NASAKOTE ang 10 katao kabilang ang apat na babae sa Brgy. Manacnac, Palayan City, Nueva Ecija matapos na mahuling nagsusugal kamakailan, ilang oras makalipas na mamahagi ang pamahalaang lungsod ng P3,000 cash assistance sa bawat pamilya.
Sinabi ni City Police Chief Col. Renato Morales na siyang tumugis sa mga nagsusugal kasunod ng reklamo ng ibang residente na naaktuhan nila ang mga ito sa isinagawang police operation.
Nadakip ang mga construction workers na sina Angelo Diongco, 39, Roldan Viado, 34, at Daniel Onia, 27; tinderong suna Marilou Guerra, 56 at Gregorio Guerra, 51; at estudyanteng si Garry Gatbunton, 19.
Nalambat din sina Rogelio Gonzales, 66; Tessa Sanchez, 34; Theresa Onia, 52; at Marites Guerra, 59.
Sa isang social media post, dismayado si Mayor Adrianne Mae Cuevas sa pagsusugal ng mga residente kahit pa ginawa nang lahat ng Palayan City government ang makakaya para makapagbigay ng ayuda habang patuloy na umiiral ang Luzon-wide enhanced community quarantine (ECQ). – Dennis Christian Hilanga