BALIK na ba sa dati ang buhay sa Cebu City?
Ito ang tanong ng karamihan nang makita ang dami ng mga bumibiyaheng sasakyan sa siyudad ngayong araw.
Ani Ronnie Nadera, tagapagsalita ng Cebu City Transportation Office, nakapagtala sila ng “major increase” sa volume ng mga sasakyan.
“We can say this is alarming because they are supposed to stay home,” dagdag ni Nadera.
Halos tumukod ang daloy ng mga sasakyan sa Banawa Road, Osmeña Blvd., at Natalio Bacalso Highway sa Brgy. Guadalupe.
Nagtataka rin si Nadera sa dami ng mga bumiyaheng sasakyan. Aniya, ipinatutupad pa rin ang enhanced community quarantine sa siyudad kaya dapat ay nasa loob ng bahay ang mga residente upang hindi magkahawahan sa Covid 19.
Sinabi ng opisyal na isa posibleng mga dahilan ng mabigat na trapiko sa lugar ang pagsasara ng mga kalsada sa nasabing barangay.
Dagdag niya, binuksan ang mga traffic lights sa siyudad para masiguro ang kaligtasan ng mga motorista.