BAGSAK sa kulungan ang lalaki na may pakana ng boxing match sa Parola Compound sa Tondo, Maynila kamakailan na nagresulta sa total shutdown ng barangay.
Hindi naman pinangalanan ang suspek na nahaharap sa mga kasong paglabag sa city ordinance at sa enhanced community quarantine, na mahigpit na ipinagbabawal ang pagtitipon-tipon ng maraming tao upang maiwasan ang pagkalat ng Covid-19.
Bunsod ng paboksing, ipinag-utos ni Mayor Isko Moreno ang total shutdown ng Brgy. 20, na nakakasakop sa Parola Compound, mula alas-8 ng gabi ngayong araw hanggang alas-8 bukas ng gabi.
Sa ilalim ng Executive Order No. 19, hindi maaaring lumabas ng bahay nang buong araw ang mga residente.
“During the said shutdown period, all residents of the said barangay shall be strictly confined to their residences and are prohibited from going out of their houses,” ayon sa EO.
Habang naka-shutdown, magsasagawa ng surveillance, testing at rapid risk assessment operation sa lugar, ani Moreno.
Maaari namang makalabas ng kanilang tahanan ang mga health workers at mga miyembro ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at Philippine Coast Guard na nakatira sa barangay.
“All commercial, industrial, retail, institutional and other activities in the said barangay shall be suspended within the specified period of the shutdown,” dagdag ni Moreno.
Matatandaan na humigit-kumulang na 100 katao, kabilang ang mga bata, ang nagtipon-tipon para sumali at manood sa boxing match sa isang kalye sa Brgy. 20.
“The video shows blatant violations of the enhanced community quarantine guidelines and social distancing protocols thereby creating immense risk of exposure and contraction of COVID-19 to those involved in the event,” dagdag ng EO.
Mayroong populasyon na mahigit 41,000 ang barangay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.