NAG-IMBAK na ng ‘a-munitions’ o ‘anti-COVID-19 munitions’ ang Basilan upang may magamit ang mga health workers nito sakaling madagdagan ang bilang ng mga nahawa ng nakamamatay na virus.
Ayon kay House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman nakalikom ng pondo na ipinambili ng personal protective equipment (PPEs) at iba pang medical supplies na ipinamigay sa mga hospital sa probinsya.
“Ang mga nasa frontlines ay mas kailangan ng ating suporta at proteksyon dahil sila ang ating mga sundalo sa digmaang ito. Kaya mahalaga na handa tayo at mayroong proteksyon sa ating mga frontliners. No town or city can fully prepare for an epidemic of this magnitude, but we get ready in ways we know how,” ani Hataman.
Nakabili ang tanggapan ni Hataman ng dalawang disinfection tents, 1,940 units ng PPE (Hazmat), 50 units PPE set (Head cover, goggles, facemask, hazmat, gown, shoe cover), 1,000 piraso ng N95 masks at 500 gallons ng alkohol at iba pa.
May natanggap ding N95 mask, surgical gloves at surgical masks ang tanggapan ni Hataman mula sa Department of Health.
“Katulad ng sundalo na lumalaban sa digmaan, ang ating mga frontliners dapat ay may armas at depensa laban sa kaaway. I have no doubt that our frontliners are fighting bravely in this war. Pero mahirap lumaban ng may pangamba na baka ikaw ay mahawa ng sakit dahil kulang ka sa PPE, or kulang ka sa alcohol at iba pang proteksyon. It will be a grave injustice if we allow even one frontliner fall in this war just because we did not protect them,” dagdag pa ng solon.
May walong kaso ng COVID-19 na naitala sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao tatlo rito ay namatay na.
Nagpasalamat si Hataman sa Civil Aviation Authority of the Philippines at Western Mindanao Command sa pagdadala ng mga medical supplies mula sa Zamboanga Airport papunta sa Port of Isabela sa Basilan.
“And our efforts to fortify our frontliner strongholds – the hospitals and LGUs in Basilan – will continue in the coming days. At balak naming tumulong na din sa ibang lugar kung kinakailangang maghatid ng PPEs at medical supplies sa kanila,” dagdag pa ng solon.
Nauna rito ay nagbigay ng relief goods ang tanggapan ni Hataman sa may 2,000 Basileños na na-stranded sa Metro Manila matapos ipatupad ang Enhanced Community Quarantine.