INATASAN ni Pangulong Duterte ang lahat ng mga mayor na mahigpit na ipatupad ang social distancing sa harap naman ng mabilis na pagtaas ng mga tinatamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa na umabot na sa halos 5,000 kaso.
“Kayong mga mayors, huwag kayong maglaro kasi ang ayaw ninyo mag-social distancing mapipilitan ako puntahan kita at arestuhin kita. Ayaw kong mag-aresto ng mayor,” sabi ni Duterte sa kanyang public address.
Idinagdag ni Duterte na sa kabila ng umiiral na enhanced community quarantine, dumadami pa rin ang nagkakasakit ng COVID-19 dahil sa mga hindi sumusunod sa social distancing.
“Pero may pumupuslit eh, ‘yung sumusugal. Pumupunta ng — magsugal, mag-inom o kaya sa palengke. There seems to be a lack of uniformity in the matter of enforcing the distance rule, ‘yung social distancing,” ayon pa kay Duterte.
Sinabi pa ni Duterte na base sa pinakahuling datos, umabot na sa 4,932 ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
“Alam mo ‘pag hindi natin ito susunod, walang mangyari. Wala talagang mangyari. Kami dito salita nang salita hanggang makuha rin namin ang COVID, baka una kaming mamatay. Pero hindi talaga ito makatulong sa Pilipino,” dagdag ni Duterte.
Idinagdag ni Duterte na dapat na magpatupad ng sistema sa mga palengke para matiyak na sumusunod sa social distancing.
“Ngayon ang mga mayor dito… Noong una ko hong nakita sa palengke, mga ano pa, may tiga-bantay tapos parang… ‘Sige, ikaw na ang sunod.’ Parang sa bangko. Tapos nakapila, ‘O ikaw naman,'” ayon pa sa Pangulo.
“Pagpasok sa palengke, ang gawain ninyo dito, bili kayo ng tarapal mainit ‘yan, pero — o you might want to use another material that is not — that is heat absorbent, palinyahin talaga ninyo,” aniya.
Ayon kay Duterte, dapat sumunod ang mga mayor sa patakarang itinakda ng pambansang gobyerno.
“So huwag ka magsabi, ‘Ay hindi meron kaming batas sunod.’ Sa panahon na ito ang batas isa lang, ang batas ng DOH as implemented by Lorenzana, Año, Galvez, pati itong isang… ‘Yan, ‘yan ‘yang silang tatlo. ‘Yan ‘yung batas ngayon,” giit ni Duterte.
Nauna nang pinuri ni COVID-19 czar Secretary Carlito Galvez, Jr. ang Maynila, Valenzuela City, Pasig City, Marikina City, Baguio City, Davao City, Caraga region at Bicol region sa implementasyon ng enhanced community quarantine sa kani-kanilang nasasakupan.
“Ngayon kung salubungin mo ‘yan, mapipilitan akong puntahan ka at sabihin ko sa inyo, anong klase ka? Meron nang ibinibigay na instruction. ‘Yung iyong point of view o sarili mong paniwala, taguin mo lang ‘yan. Punta ka doon sa — pasok sa kwarto mo, kunin mo lahat sa bulsa mo ‘yung iyong opinyon, ilagay mo sa drawer mo tapos sundin mo lang ang gobyerno,” sabi pa ni Duterte.