MAHIGIT sa isang milyong empleyado na ang humihingi ng tulong sa Department of Labor and Employment matapos maapektuhan ang kanilang kita ng Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III halos 42,000 kompanya na ang humihingi ng P5,000 one-time assistance para sa kanilang mga empleyado sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program.
Ayon sa ulat ng mga regional offices ng DOLE, 1,048,649 empleyado sa formal sector ang naapektuhan ng pansamantalang pagsasara o flexible work arrangement dahil sa ECQ.
Pinakamarami sa mga ito ay nasa Metro Manila (246,810 manggagawa) na sinundan ng Central Luzon (179,875), Calabarzon (99,1780, Davao region (90,414) Region 2 (75,189), Central Visayas (51,150), Cordillera region (46,614) Region 10 (46,351) at Bicol region (41,322).
Sumunod naman ang Region 6 (36,526), MIMAROPA (30,721), CARAGA (26,981), Region 8 (24,940), Region 9 (24,664), Region 1 (17,378) at Region 12 (11,536).
Umabot naman sa 31,612 kompanya ang pansamantalang nagsara at 10,224 naman ang sumailalim sa flexible work arrangements gaya ng pagbabawas ng araw ng pasok ng mga empleyado, work rotation, forced leave at work from home o telecommuting.
“I once again knock in the kind hearts of our employers, especially the conglomerates and big businesses. Please extend further your generosity to your employees and workers. Your good-heartedness and compassion is a great help to the government,” ani Bello.
Ayon kay CAMP program implementer OIC Asst. Secretary Dominique Rubia-Tutay natulungan na ng ahensya ang may 180,000 empleyado na nabigyan ng halos P900 milyon.
Mayroon pa umanong P1.61 bilyong pondo ang programa na maitutulong sa 322,000 empleyado.
Halos 250,000 manggagawa naman sa informal sector ang kailangang tulungan sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers Program-Barangay Ko, Bahay ko (TUPAD-BKBK) program.
Ayon naman kay Director Karen Trayvilla of the Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) natulungan na sa ilalim ng TUPAD-BKBK program ang 138,000 informal sector workers.