DAPAT umanong kumilos ng mabilis ang gobyerno upang makuha ang mga kompanya na umaalis ng China kung saan nagsimulang kumalat ang coronavirus disease 2019.
Ayon kay Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo kailangan ng bansa ng mga bagong mamumuhunan upang mabilis na makabangon ang ekonomiya matapos ang Enhanced Community Quarantine.
“We can offer these businesses incentives that are comparable or better than those available in other countries in the region to attract them to move here,” ani Castelo.
Nauna rito ay nag-alok ng tulong pinansyal ang Japan sa mga Japanese companies na nais na umalis sa China.
Mayroon ding mga American at European companies na ikinokonsidera ang pag-alis sa China dahil sa nararanasang problema roon sa suplay.
“I would imagine that if they decide to relocate, they would be looking for places where it would be less expensive for them to operate and the supply chain would not be vulnerable to disruptions even in times of emergencies,” saad ng lady solon.
Umapela rin si Castelo sa Senado na bilisan ang pag-apruba sa Corporate Income Tax and Incentives Reform Act (CITIRA) upang mas maging kaakit-akit ang bansa sa mga dayuhang mamumuhunan.
Sa ilalim ng CITIRA, ibababa ang kasalukuyang 30 porsyentong buwis na ipinapataw sa mga kompanya sa 20 porsyento sa loob ng 10 taon.