PATAY ang police lieutenant na suspek sa panghoholdap sa isang gasolinahan nang pagbabarilin ng di pa kilalang salarin, sa Cauayan City, Isabela, Linggo ng tanghali.
Dead on arrival sa ospital si Lt. Oliver Tolentino, residente ng Brgy. Cabaruan, ayon sa ulat ng Isabela provincial police.
Naganap ang insidente sa Purok 6, Brgy. San Fermin, dakong alas-12:45.
Nakauspo si Tolentino sa harap ng bahay ng kanyang kapatid nang biglang pumasok sa gate ang isang di kilalang lalaki’t gad siyang pinagbabaril, ayon sa ulat.
Isinugod pa si Tolentino sa Ester Garcia Medical Center, pero di na umabot nang buhay.
Sa tala ng pulisya, sinasabing si Tolentino, nakatalaga sa Personnel Holding and Accounting Unit ng Cagayan Valley regional police, ay kabilang sa mga suspek sa panghoholdap sa gasolinahan sa Brgy. Dangan, Reina Mercedes, noong Marso 29.
Sumuko siya sa pulisya ng Cauayan noong Marso 30, makaraan niyang banggain ng sasakyan ang checkpoint na humarang sa kanya ilang oras matapos ang panghoholdap.
Matapos sumuko’y di na umano muling nagpakita si Tolentino sa police unit kung saan siya nakatalaga, kaya itinuring na AWOL.