SIGURADONG tameme at supalpal ang mga bashers ni Nadine Lustre na nagsasabing dedma lang at hindi tumutulong sa mga naapektuhan ng COVID-19 crisis.
Sa lahat ng mga nagtatanong kung nasaan si Nadine habang abala sa pagtulong ang mga kapwa niya artista sa Filipinong nawalan ng trabaho at mga frontliners — sinagot na yan finally ng kanyang tiyahin.
Hangga’t maaari ay ayaw na sanang ipaalam pa ng Kapamilya actress ang pagbibigay niya ng ayuda sa mga medical workers, mas gusto niya kasing tumulong nang tahimik.
Pero mismong ang kanyang tiyahin ang nagbalita sa madlang pipol na marami na siyang natulungan mula sa medical field sa pamamagitan ng pagdo-donate ng Personal Protective Equipment (PPEs), acrylic aerosol boxes at pagkain.
Sa pamamagitan ng Facebook, ipinost ni Mamel ang mga tulong na naipaabot ng kanyang pamangkin sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital, isa sa mga itinalagang quarantine facility ng gobyerno para sa COVID-19 patients.
“We appreciate the hard work and services to our communities, may this humble gesture become helpful to the hospital staff!
“Thank you Dr. Jamilarin and Dra. Capada of Ob-Gyn Department for facilitating the distribution,” mensahe ng tita ni Nadine.
“Thank you so much my lovely niece Nadine for sponsoring their PPEs, acrylic boxes and helping feed the team at DJNRMH. Proud Tita here,” dagdag pa niya.
* * *
Tuluy-tuloy pa rin ang pamimigay ng relief goods ng mag-asawang Pokwang at Lee O’Brian sa mga nangangailangan ngayong panahon ng krisis. Pwede nang tawaging superhero na walang pahinga ang komedyana.
Mula sa mga frontliners at sa mga nawalan ng pagkakakitaan dahil sa lockdown, nagpaabot din ng ayuda sina Pokwang sa mga na-stranded na pamilya sa Metro Manila at mga kalapit na probinsya.
Makikita sa Instagram post nina Pokey at Lee ang mga donasyon nilang saku-sako ng bigas, mga kahon ng canned goods at iba pang pagkain habang isinasakay sa military truck.
Nagtungo mismo sa bahay nina Pokwang sa Antipolo, Rizal ang ilang miyembro ng Armed Forces of the Philippines para kunin ang kanilang donasyon.
“Helping out the frontliners with rice and food for the stranded families. Special thank you to AW1C Tibayan and the members of the Philippine Air Force for making this happen!” caption ni Lee sa kanyang IG page.
Sey naman ni Pokwang, “Ingat po and God bless you all frontliners.”
Mula pa noong unang linggo ng ECQ ay tumutulong na si Pokey sa mga kababayan nating apektado ng COVID-19 at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya tumitigil sa pagbibigay ng ayuda.