PINAPASUKO ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang mga opisyal ng barangay na nasa likod umano ng tupada sa Manila North Cemetery noong Biyernes Santo.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Malapitan na dapat sumuko na ang mga opisyal ng Barangay 129 at magpaliwanag.
Kung hindi susuko, sinabi ni Malapitan na ipag-uutos niya ang isang manhunt laban sa kanila.
“Hindi natin kailanman kukunsintihin ang mga maling gawa ng ating mga opisyal. Magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan para maberepika ang sumbong at hindi ako mag-aatubili na patawan ng kaukulang parusang administratibo kabilang na ang pagpapasuspinde sa kanila,” ani Malapitan.
Ayon sa impormasyon na nakarating sa alkalde, ang mga nasa likod umano ng iligal na sabong ay sina Brix John Rolly Reyes, chairman ng Brgy. 129 at mga kagawad na sina Alfie Lacson, Romualdo Reyes, at John Cris Domingo.
Ginawa umano ang sabong noong Biyernes ng tanghali sa 29th Street sa loob ng Manila North Cemetery na sakop ng Sta. Cruz, Maynila.
Bukod sa iligal na sabong ay mahaharap umano ang mga opisyal sa paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Disease and Health Event of Public Health Concern Act (Republic Act 11649) at Bayanihan to Heal as One Act (Republic Act 11469).