BANDERA Editorial
YAN na lang ang puwede nating gawin ngayong sunud-sunod na malalakas na lindol ang tumama sa Haiti at Chile. Sa Mindanao, tatlong sunud-sunod na lindol ang
naitala, na may pagitan ng 12 oras, simula pa noong Biyernes ng hapon. Ang mga Intensity ay 3 sa Cabadbaran, Agusan del Norte; 5.3 sa General Santos City; at 3 sa Davao City. Bilang paghahanda sa tsunami, inilikas ang mga residente sa dalampasigan sa Mindanao na nakaharap sa Pacific Ocean at itinaas ng Philvolcs ang tsunamin alert level sa 2, na ang ibig sabihin, bukod sa paglilikas, ay kailangang itali nang mabuti ang mga sasakyang pandagat na nakadaong sa mga pantalan at ang malalaki’y magpalaot muna para di makapinsala sa daungan kapag itinulak ng tsunami. Magdasal, kung maaari, dahil nagaganap din naman ang himala (pero, mali ang panalangin na huwag sanang tumama dito. Paano naman ang tatamaan doon? Malakas ba tayo sa Diyos dahil hindi tumama rito at mahina sila kaya tumama sa kanila? Kung kaloob ng Diyos, at ganoon na naman ang patutungahan, ay Siya Nawa).
Pagkatapos ng lindol sa Haiti, nagsagawa ng mga earthquake drill sa mga paaralan at opisina sa Pilipinas bilang paghahanda at kaalaman sakaling tumama sa bansa ang malakas at mapamuksang lindol. Tama yan.
Pero, paano nga ba kapag tumama sa Pilipinas ang Intensity 8 o Intensity 9 na lindol habang ang mga politiko ay nangangampanya?
Tiyak, lugmok sa lusak ang Pilipinas at ang higit na masisira ay ang Metro Manila, ang kinalalagyan ng mga flyover, mga riles ng MRT at LRT na nakaangat sa lupa, matataas na gusali, atbp. Babagsak din ang katatayong mga tulay sa mga lalawigan na sinikap na matapos ni dating Public works Secretary Hermogenes Ebdane, sakaling natuloy ang kanyang pamamalakaya sa politika.
Luhaan, duguan, ulila, gutom at walang pera ang mamamayan. At ang sisisihin na naman ay ang Pangulo, na, sa mata ng kalaban, ay talamak sa katiwalian at kamalian pero ipinagtatanggol sa pa rin ng militar at itinataguyog ng Amerika (bakit kaya?).
Sa gitna ng gumuhong mga gusali, bahay, flyover, atbp., sasakmalin tayo ng matinding gulo, na maaaring mauwi sa malawakang nakawan sa mga tindahan, palengke, grocery, atbp. Maaaring lusubin ng mga nagugutom ang pribado at gobyernong mga bodega ng bigas.
Sa gitna ng gulo, paano na ang eleksyon?
BANDERA, 030110