Lito Bautista, Executive Editor
SALAMAT, ex-Sen. Francisco Tatad, sa pagpapaalala mo sa mali-maling survey ng Social Weather Stations. Ayon sa nakalkal ni Tatad, malaking pagkakamali ang nagawa ng SWS noong 2004 elections sa Metro Manila.
Sa exit poll na isinagawa ng SWS, panalo si Pangulong Arroyo kay Da King sa Metro Manila. Pero, kabaligtaran ang nangyari.
Tinambakan ni FPJ si GMA ng 36.67%. Ang nakuha ni GMA sa Metro Manila ay 26.46% lang. Saan nakuha ng SWS ang ipinangalandahan nilang panalo si GMA sa Metro Manila?
Kung ganito ang track record ng SWS, para kay Tatad, wala na itong karapatang mag-survey. Wala na itong kakayahan at di na ito tapat sa opinyon ng taumbayan. Kapag ganito ang SWS, bukas ito sa paratang ng publiko na mali-mali. At para sa di nakaaalam sa makalumang sistema nito (na matagal nang di ginagawa sa Amerika), mandarata ang SWS.
“Paano pa natin ipagkakatiwala sa kanila ang ating mga opinyon?” tanong ni Tatad.
Para kay Sen. Richard Gordon, kinukundisyon lang ng survey firms ang pag-iisip ng taumbayan. Pero, ang masaklap, ilan lamang sa taumbayan ang nakahahalata na kinukundisyon lang ng survey firms ang kanilang pag-iisip at pinaniniwala na tama ang survey at ang “nakalap” na datus nito.
At dahil nababayaran ang mga survey firms at hanapbuhay nila ang mag-survey, tamali (tama o mali) man, nagogoyo at ginagawang tangat’t gago ang botante.
Nabasa mo ba ang mga tanong ng mga survey firms? Inihahayag ba nila sa media ng buo ang kanilang mga tanong, o ang mga ito’y edited na? Alam mo ba ang mga uri ng tanong, tulad ng leading question (na kapag tinanong sa korte ay di tinatanggap dahil tinuturuan ang tinatanong ng isasagot sa tanong na karaniwan ay pabor sa nagtatanong)?
Magkatugma ang panananaw nina Tatad at Gordon sa mga tanong ng survey firms: Kinukundisyon lamang ng mga ito ang isipan ng taumbayan.
Tula ng una nating naisulat sa https://banderablogs.wordpress.com at sa naunang editorial, dapat kasuhan ng kriminal ang mga manloloko, kahit sinuman sila.
BANDERA, 022610