Lito Bautista, Executive Editor
KAGULAT-gulat (kamangha-mangha at nakapagtataka) ang paninindigan ng NGO health group Framework Convention on Tobacco Control Alliance Philipines (FCAP), na nakabase pa man din sa Quezon City.
Nagbanta ang FCAP na kakasuhan sina Tanauan Mayor Sonia Torres-Aquino at mga kasapi ng Sangguniang Bayan nang kanilang ipangalan ang isang kalye bilang Philip Morris st., sa Barangay Pantay Bata, bilang pagkilala sa iniambag ng kompanya sa kaunlaran ng komunidad. Nasa Tanauan City ang pabrika ng Philip Morris International.
Ayon sa pahayag ni FCAP executive director Maricar Limpin: “putting up a street sign bearing the name of a cigarette brand was not only a violation of an existing law, but was utterly unmindful and insensitive to the health of Tanauan folk.”
Klap, klap, klap.
Kung ganito ang pananaw ni Limpin, marami siyang makakabangga.
Noong 1960, binuksan ng Philippine National Bank ang East Fairview sa Quezon City, sa tabi mismo ng La Mesa Dam watershed (maraming kumontra sa subdivision dahil nasa tabi ng watershed, pero nanaig pa rin ang proyekto). Nilagyan ng mga kalye at umusbong ang magagandang bahay ng matataas na kawani ng PNB.
Ang pangalan ng mga kalye rito ay Marlboro, Old Gold, Winston, Salem, Pall Mall, Newport, atbp. Hanggang ngayon ay hindi binago ang mga pangalan dahil hindi naman masama sa kalusugan ang mga pangalan ng sigarilyo. Ang sigarilyo na may sindi at hinihitit ang masama sa kalusugan.
Muli, ang FCAP ay nakabase sa QC pero hindi “ginalaw” ng FCAP.
Ang pangalang Puregold ay mismong nagmula sa sigarilyo.
Sa kalapit na Marikina, may Fortune ave., at Barangay Fortune, kung saan naroon ang pabrika ng Fortune Tobacco. Ang lugar ay dating karugtong ng Parang. Ipinangalan ang barangay at kalye sa sigarilyo bilang pagkilala sa iniambag sa ekonomiya ng pabrika ng tabako.
Ngayon, ang Marlboro ay tatak din ng kasuotan.
O, paano ngayon yan?
BANDERA, 022610