NINAKAW umano ang sasakyan sa munisipyo ng San Mateo na ginamit sa paghahatid ng ipinagbabawal na gamot sa Binangonan, Rizal.
Sa isang pahayag, sinabi ng San Mateo government na itinakas ng Job Order driver ang marked vehicle ng munisipyo.
“Ito po pala’y ginamit na pang-grab sa paghahangad na kumita ng malaki dahil sa offer na bayad at makaiwas sa mga checkpoint dahil ito ay isang government vehicle,” saad ng pahayag na naka-post sa Facebook.
Maaaring hindi umano inakala ng driver na mahuhuli siya at maibabalik nito ang sasakyan ng walang nakakapansin.
Nagkakahalaga umano ng P400,000 ang dalang shabu ng driver na mayroong isang kasama.
“Bukod sa kanyang kinakaharap na kaso doon, sasampahan din natin ang driver ng carnapping at papanagutin sa kanyang sala,” saad ng munisipyo. “Bagamat nakakalungkot na nadamay pa ang ating Munisipyo dito, magsilbi nawa itong aral sa lahat na baka nagagamit ang mga service vehicle ng gobyerno para lamang kumita ng pera at makaiwas sa mga checkpoint ngayon tulad ng ganitong kwento.”
Iginiit din ng munisipyo na tanging ang may mga travel order lamang ang maaaring gumamit ng sasakyan ng lokal na pamahalaan.
“Maging aral din nawa ito na huwag masilaw sa pera at humantong sa paggawa ng mga ilegal na bagay para hindi umabot sa kalaboso.”