NAG-SORRY ang Phenomenal Box-office Star na si Vice Ganda sa mga bayaning frontliners na patuloy ang pag-aalay ng buhay sa gitna ng health crisis.
Sa kanyang Twitter account, ibinahagi ni Vice ang pagsaludo at pagpapasalamat niya sa mga frontliners, lalo na yung mga nasa fastfood restaurants, supermarkets at mga convenience stores.
Dito, ipinahatid din ng TV host-comedian ang paghingi niya ng paumanhin sa mga trabahador at empleyadong tuloy ang pagseserbisyo sa madlang pipol kahit na alam nilang malalagay din sa panganib ang kanilang buhay.
Nag-sorry siya sa lahat ng pagkakataon na nagpakita siya ng hindi kagandahang asal sa mga ito.
“Ngayon naappreciate natin ang halaga ng mga service crew, grocery staff, kahera at baggers.
“Patawarin nyo po kami kung minsan namin kayong napakitaan ng pangit na attitude.
“Di po namin malilimutan ang kabayanihan nyo.
“God bless you!!!” mensahe ni Vice.
Naka-relate sa It’s Showtime host ang kanyang followers at um-agree sa paghingi niya ng paumanhin. May mga umamin din na guilty sila sa mga sinabi ni Vice dahil may mga pagkakataon na naaangilan at nasusingitan din nila ang mga service crew at cashiers.
May ilang Twitter users naman na nagpakilalang restaurant at supermarket frontliners ang nagpasalamat sa pagbibigay sa kanila ni Vice ng importansya.