P3M donasyon ni Mega napilitang ibandera ni Angel dahil sa bashers

NAPILITANG ibandera ni Angel Locsin ang P3 million donasyon ni Sharon Cuneta para sa kanyang 

#UniteTENTweStandPH fundraising campaign.

Tuluy-tuloy pa rin ang grupo nina Angel sa pagkalap ng pondo para sa pagtatayo ng tents sa labas ng mga hospital para magsilbing sleeping quarters ng frontliners at ibang COVID-19 patients.

At isa nga sa mga celebrities na nag-donate ng malaking halaga rito ay si Mega. Hindi na napigilan ni Angel na banggitin ang pangalan ni Sharon bilang donor matapos itong ma-bash ng netizens.

Ni-repost kasi ni Sharon sa Instagram ang isang video ni Angel habang nagpapasalamat sa lahat ng tumulong sa kanila kabilang na nga si Mega.

“Thanks so much dearest Angel. And may God our Father keep you safe and healthy as you continue your mission to provide comfort to our frontliners who put their lives on the line for us every single day. Love you,” caption ng misis ni Sen. Kiko Pangilinan.

Isang netizen ang nag-comment at binanatan si Sharon tungkol sa pagbibigay nila ng tulong para makapagpiyansa ang 21 residente ng Quezon City na nag-rally para makahingi ng relief goods sa gobyerno. Last Monday, balitang nakalaya na ang mga raliyista.

Ipinagdiinan pa ng hater na lahat ng mga artistang tumulong sa mga raliyista ay mga “leftist,” o yung mga laging kontra sa mga ginagawa ng Duterte administration.

 “Ang iba diyan tinutulungan iyong mga mahilig mag stage nang rally sa ating bansa inshort mga leftist ang tinutulungan! Huwag tumulad sa kanila and you (Angel) are doing the noble way to help?

“Tanong ko sa iba! Would you even support and assist group of leftists, rallyists or rebels who are staging a commotions against our government lalu na ngayon me pandemic outbreak?” sabi pa ng netizen.

Ito naman ang sagot ni Mega, “So full of negativity and hatred. Ginagawa lang ng mga pulis at militar ang kanilang trabaho mga frontliners din sila. Mahalaga sila sa amin. Pero minsan iisipin mo rin, paano ba ang totoong pagtulong? Mali lumabag sa batas at DAPAT SUMUNOD LAHAT.

 “Paano mabubuhay ang limang pamilyang nakakulong dahil di ba nakakaiyak kailangan labagin ang batas kahit mapatay dahil sa GUTOM?

“I DO NOT CONDONE REBELS AND RALLYISTS. I JUST WANT NO FILIPINO TO HAVE TO LAY THEIR LIVES ON THE LINE BECAUSE THEY ARE HUNGRY,” pahayag pa ng singer-actress.

Pagpapatuloy pa ni Sharon, “Ni hindi mo alam kung ANO ANG TINULONG KO KAY ANGEL. Lahat ng tumutulong dapat pasalamatan kahit ipuwera mo na ako.”

“Kakapalan yan. Si Angel nagpapasalamat ikaw parang walang ibang tao sa mundo. Magtayo ka ng tent nang may saysay ang buhay mo.”

Nang makarating kay Angel ang pang-ookray ng bashers, dito na ibinandera ng aktres ang donasyon ni Mega, “BTW, Ms. Sharon donated a whopping 3 MILLION PESOS para makatulong kahit paano sa overcrowded hospital situation ngayon (smiley emoji).

“Binigay nya ito ng KUSA at AYAW IPAALAM. Pasensya na po Ms. Sharon at nasabi ko, ha?

“Just wanted to share my experience sayo kung gaano ka ka-charitable,” aniya pa. 

Sa huli, nakiusap ang future wife ni Neil Arce na tigilan na ang kanegahan, “let’s help each other at maging source ng positive energy! kailangan natin lahat ngayon nyan.”

Read more...