PAPASOK ka ba bukas? Eh di triple pay ka.
Bukas kasi, Abril 9 ay Huwebes Santo at Araw ng Kagitingan na parehong regular holiday.
Ayon sa Department of Labor and Employment Advisory no. 13, kung ang empleyado ay magtatrabaho sa Abril 9 siya ay makatatanggap ng 300 porsyento ng kanyang arawang sahod.
Kung hindi papasok ang matatanggap niya ay 200 porsyento ng kanyang arawang sahod.
“If the employee did not work, he/she shall be paid 200% of his/her wage for that day, subject to the requirement that he or she was present or on a leave with pay on the workday prior to the start of the enhanced community quarantine on 17 March 2020.”
Kung nag-overtime pa dadagdagan ito ng 30 porsyento ng bayad sa empleyado bawat oras.
Kung day off ng empleyado pero pinapasok, bukod sa 300 porsyento ng arawang sahod ay daragdagan pa siya ng 30 porsyento.
Sa Biyernes Santo naman, ang empleyado na hindi papasok ay babayaran ng kanyang arawang suweldo.
Kung papasok siya ay babayaran ng 200 porsyento ng kanyang arawang suweldo. Kung overtime siya ay may dagdag na 30 porsyento ng kanyang suweldo kada oras.
Kung day off ng empleyado subalit pinapasok ng kanyang employer ay may dagdag siyang 30 porsyento bukod pa sa 200 porsyentong arawang sahod.
Ang Sabado de Gloria ay special non-working holiday. Ang hindi papasok ay walang dagdag na bayad. Ang papasok naman ay may dagdag na 30 porsyento ng kanyang arawang kita.
Samantala, binigyan naman ng luwag ng DOLE ang mga employer sa pagbabayad ng holiday pay.
Sa ilalim ng Labor Advisory 13-A, maaaring hindi muna bayaran ng employer ang holiday pay ng Abril 9, 10 at 11.
“On account of the existence of a national emergency as aforementioned, employers are allowed to defer the payment of holiday pay on April 9, 10 and 11, as maybe applicable….. until such time that the present emergency situation has been abated and the normal operations of the establishment is in place.”
Nagbigay din ng exemption ang DOLE sa mga employer ng mga kompanyang huminto ang operasyon.
“Establishments that have totally closed or ceased operation during the enhanced community quarantine period are exempted from the payment of the holiday pay under Labor Advisory 13 series of 2020.”