Beautician huli sa milyong halaga ng overpriced na alkohol

KALABOSO ang isang beautician at nasamsam sa kanya ang mahigit sa P1.2 milyong halaga ng overpriced na alkohol.

Inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District at Philippine Air Force si Merlita Toong, 47, ng Buenavidez st., Sta. Cruz, Manila.

Isang impormante umano ang nakatuklas sa pagbebenta ng overpriced na alkohol, facemasks at safety goggles ng suspek.

Ang isang galon ng alkohol ay ibinebenta umano nito sa halagang P690 lagpas sa P520 na suggested retail price ng Department of Trade and Industry. May ipinatutupad na price freeze sa Luzon bunsod ng Enhanced Community Quarantine.

Naaresto ang suspek sa buy bust operation alas-2:30 ng hapon sa Must Have Beauty Parlor, sa Buenavidez st., Sta Cruz, Manila.

Umorder ang poseur buyer ng 50 galon ng Isopropyl Alcohol, 20 kahon ng disposable facemask at safety goggles na nagkakahalaga ng P126,600/

 Kinumpiska ng pulisya ang 40 galon ng isopropyl alcohol, 15,000 piraso ng disposable facemasks, 250 piraso ng safety goggles at 96 litro ng Isopropyl Alcohol na may kabuuang halagang P1.26 milyon.

Read more...