BUMABA ang inflation rate o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin noong Marso, ayon sa Philippine Statistics Authority.
Naitala ito sa 2.5 porsyento, mas mababa sa 2.6 porsyento na naitala noong Pebrero. Ito na ang pinakamababa na naitala ngayong taon. Noong Enero naitala ito sa 2.9 porsyento.
Mas mababa rin ito sa 3.3 porsyento na naitala noong Marso 2019 pero mas mataas kumpara noong Marso 2016 na 0.6 porsyento lamang.
Ang inflation rate sa National Capital Region ay 1.7 porsyento, bumaba pa mula sa 2.0 porsyento noong Pebrero. Noong Marso 2019 ang NCR ay nakapagtala ng 3.2 porsyentong inflation rate.
Naitala ang pagbaba ng inflation rate sa 10 pang rehiyon bukod sa NCR. Ang pinakamababa sa mga ito ay Region X (Northern Mindanao) na nasa 2.0 porsyento.
Ang Region V (Bicol Region) at Region XII (SOCCSKSARGEN) ang nakapagtala ng pinakamataas na rate na nasa 3.2 porsyento.