Marcial pinuri ang PBA players na tumutulong ngayong panahon ng COVID-19 pandemic

PBA commissioner Willie Marcial

NAPATIGIL man pansamantala ng coronavirus pandemic ang Philippine Basketball Association (PBA) season ngayong taon hindi naman napigilan ng mapanganib na virus ang mga players nito na  maghatid ng tulong sa mga nangangailangan.

Mula sa pangangalap ng pondo hanggang sa pamimigay ng pagkain sa mga frontliners at walang tirahan, ang mga players ng pro league ay nagpaabot ng kanilang tulong ngayong may isinagawang Luzon-wide enhanced community quarantine.

Napansin ito ni PBA commissioner Willie Marcial at pinuri niya ang kagandahang loob ng mga players ng liga na nagsagawa ng charity work ngayong panahon ng krisis.

“I’m really happy and I thank the players, coaches, team owners, and governors who’ve helped,” sabi ni Marcial sa opisyal na website ng PBA.

Kabilang sa mga PBA players na nagbigay ng kanilang tulong sina Vic Manuel, Jio Jalalon, Kiefer Ravena, Abu Tratter, Ryan Araña, Paul Desiderio at Calvin Abueva, na kasalukuyang naka-indefinite suspension.

Nagsagawa rin si San Miguel Beermen guard Terrence Romeo ng donasyon para sa mga ospital kung saan nagbigay siya ng personal protective equipment, pagkain at alkohol.

Si Alaska Aces head coach Jeffrey Cariaso ay nagsagawa naman ng kampanya na nakakolekta ng mahigit P800,000 para sa game-day personnel ng liga.

Sinabi pa ni Marcial na may iba pang PBA players na tahimik na nagbigay ng kanilang tulong kabilang na sina six-time MVP June Mar Fajardo, LA Tenorio at Beau Belga.

“June Mar is also donating, although, he’s not publicly sharing it. LA and Beau are doing the same,” sabi ni Marcial. “The people can’t just see it, but those guys are telling us what they’re doing.”

Idinagdag pa ni Marcial na hinihikayat niya ang mga PBA players na ipagpapatuloy ang kanilang ginagawang pagtulong lalo na ngayong walang katiyakan kung kailan matatapos ang nasabing krisis.

“We’re still not sure on how to continue with the season, we’re just waiting what happens with this before we make any decision,” sabi ni Marcial.

Read more...