MAGPAPATUPAD na ng lockdown sa lalawigan ng Rizal bukas.
Sa inilabas na Executive Order 14 series of 2020 magsisimula ang lockdown ng alas-8 ng umaga.
“Ito ay upang mas maproteksyunan ang buong lalawigan mula sa pagpasok ng mga posibleng carriers ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). Ayon sa pinakahuling opisyal na bilang ng DOH nitong April 4, 2020 ng 4:00 ng hapon, umabot na sa 3,094 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 144 dito ay namatay na,” saad ng pahayag ng Rizal government.
Sa ilalim ng lockdown pagbabawalang pumasok sa lalawigan ang mga hindi residente maliban na lamang ang may mga exemption na ibinigay ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID).
Malaya namang makakapasok ang mga cargo trucks at mga sasakyan na nagdadala ng mga food commodities at farm inputs sa mga designated food lanes.
Bibigyan naman ng express lane ang mga sasakyan na maghahatid ng donasyon sa mga frontliners at ospital na manggagaling sa labas ng lalawigan.
Mananatiling suspendido ang biyahe ng lahat ng pampublikong sasakyan kaya hinihikayat ang mga lokal na pamahalaan na ipagpatuloy ang pagbibigay ng libreng sakay sa mga frontliners at health workers.