IBIBIGAY ng mga kongresista ang kanilang suweldo sa Mayo upang mapondohan ang mga pangangailangan sa paglaban sa coronavirus disease 2019.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano halos 200 kongresista na ang nagbigay ng kanilang suweldo at target nila na mapaaabot ang malilikom na pondo ng P50 milyon.
“Ang initial target is P50 million, I think nasa mahigit P40 million na po tayo ngayon. So pag umabot ng P50 million mananawagan kami sa mga personal naming kaibigan, if we can get 100 people to donate P500,000 or 50 people to donate a million kasama yung aming sweldo we hope na umabot ng P100 million,” ani Cayetano sa online press conference kanina.
Mayroong 302 kongresista sa kasalukuyan.
Sinabi ni Cayetano na sa Miyerkules Santo ay magsasagawa ng pagdinig ang Defeat COVID-19 committee at doon ay maaari nilang alamin sa Department of Health o sa Department of Social Welfare and Development kung saan mayroong kakulangan at doon nila ilalagak ang kanilang malilikom na pondo.
“…ayaw kasi namin na bumili ng PPE (personal protective equipment) yun pala may P5 billion o P2 billion worth of PPE o bumili ng pagkain yun pala may provisions sa pagkain. So we want to se the money where it will be most effective,” saad ng lider ng Kamara.
Umaasa si Cayetano na hindi na aabot sa Hunyo ang problema sa COVID “pero kung umabot pa then we will make a second call”.
Sinabi ni Cayetano na bukod sa nalilikom na pondo ay may kanya-kanyang gastos din ang mga kongresista sa kani-kanilang distrito.
“Halos wala akong kilalang kongresista na hindi nag-donate ng PPE sa sarili nilang ospital or naglabas ng pambili ng canned goods or bigas habang hinihintay yung LGU o halos sabay nung LGU at DSWD.”