SINAGOT ni human rights lawyer Chel Diokno ang batikos sa kanya ni Pangulong Duterte Biyernes ng gabi.
“Balita ko pinatawag ako sa principal’s office kagabi. Tungkol daw sa ngipin ko?” aniya sa kanyang tweet.
Sagot pa ni Diokno, okay lang daw na pag-initan siya pero dapat daw tutukan rin ng pangulo ang pangangailangan ng tao.
Mr. President, may mga kliyente akong tinutulungan na tinitiis na ang sakit at gutom, ngunit wala akong sinabihang manggulo o lumabag ng batas. Okay lang na pag-initan n’yo ako, pero tutukan n’yo rin ang pangangailangan ng mga tao.
— Chel Diokno (@ChelDiokno) April 4, 2020
Matapos kasing ihayag ni Diokno na handa siyang magsilbing abogado sa 21 residenteng hinuli dahil sa pagproprotesta sa Quezon City, binatikos siya ni Pangulong Duterte sa kanyang nationwide address.
Inakusahan nyang ‘nagtatapon’ ng black propaganda si Diokno.
“Ito si Chel Diokno sinabi pa niya na, ‘Sige ako magdepensa sa inyo’. Alam mo, Chel Diokno, kayong mga oposisyon, dilaw, huwag ninyong pilitin ang pagkatao ninyo na …sa gobyerno. Kayo, nag-sige tapon-tapon ng black propaganda kasi malapit nang eleksyon,” ani Duterte.
“Ito si Diokno magsalita, parang janitor. At tsaka tumakbo ka ng senador, hindi kayo bumoto ng tao. Alam mo kung bakit? Pwede kitang biruin? Huwag kang magalit. Alam mo kung bakit hindi ka nanalo? Kasi kalaki ng ngipin mo. Magsalita kalahati ng panga mo lumalabas.” dagdag pa nya.
Tumakbo si Diokno noong 2019 bilang senador ngunit siya ay natalo.