Pagdinig ipatatawag ng Kamara kahit Semana Santa

KUNG kakailanganin ay magpapatawag umano ng pagdinig ang Kamara de Representantes sa Holy Week para mapabilis ang implementasyon ng social amelioration program o ang pagbibigay ng tulong pinansyal ng gobyerno sa 18 milyong pamilyang Pilipino na apektado ng lock down.

Sa online press conference kanina, sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na mayroong mga suhestyon ang mga kongresista para mapabilis ang pagbibigay ng P5,000-P8,000 tulong sa mga naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine.

Sinabi ni Cayetano na lubhang kailangan na maibigay agad ng Department of Social Welfare and Development ang tulong na ito.

“Kung by Thursday afternoon pag nag-hearing, kapag na-distribute na yung pera by Thursday morning or ongoing then regardless kung what guidelines they use, we will say kudos and we will thank them and we will ask them how pa we can help at paano yung mga ibang sektor o programa,” ani Cayetano. “But kung hindi pa nag-uumpisa until Thursday, e malaking problema yan. Kasi ang utos ng pangulo, tanggalin na ang lahat ng pwedeng tanggalin na hindi kailangan na requirements para makapag-umpisa na.”

Aabot sa P200 bilyon ang ibibigay na tulong pinansyal ng gobyerno.

Kanina ay nagsimula na ang DSWD sa pamimigay ng tulong pinansyal.

Marami ang nagrereklamo dahil hindi pa umano sila nabibigyan ng SAP form ng kanilang barangay.

Read more...