SA loob lang ng isang oras ng pagkanta ni Lea Salonga, mahigit P1 million agad ang nalikom na donasyon ng “Bayanihan Musikahan”.
Nag-perform sa nasabing online fundraising concert ang Pinay international singer kagabi at pagkatapos nga nito ay umabot sa P1.7 million ang nakolekta mula sa mga donors.
Nasa ikalawang linggo na ang “Bayanihan Musikahan” na pinasimulan ni Maestro Ryan Cayabyab sa tulong na rin ng mga OPM artists. At base sa ulat, umabot na sa P24 million na ang nalilikom na donasyon na ang makikinabang ay ang mga frontliners at iba pang direktang naaapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Sa pa-online concert ni Lea, kinanta niya ang ilan sa mga sikat na Broadway songs kabilang na ang “Bring Him Home” mula sa “Les Miserables” na inialay nga niya sa lahat ng healthcare workers at frontliners.
Kinanta niya rin ang mga OPM classics na “Nais Ko,” “Bakit Labis Kitang Mahal,” “Sana Maulit Muli” at “Paraiso” ng Smokey Mountain.
Nang malaman ni Lea na umabot sa mahigit P1 million ang nag-donate sa gabi ng kanyang performance, ito ang kanyang reaksyon, “That’s amazing!”
There’s no such thing as too small of a contribution or a donation, because when you pool all of these resources together, it becomes one whole big thing and so many people will be able to get the help that they need, the protection that they need,” aniya pa.
Nagsabi na rin umano si Lea na posibleng magkaroon pa ng part 2 ang kanyang Facebook Live benefit concert.