Mga walang face mask hindi aarestuhin, pero…

HINDI aarestuhin ang mga lalabag sa itinalagang mandatory face mask para sa mga taong lalabas ng bahay, ayon sa Inter-Agency Task Force.

Ayon kay Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ang mga lalabag ay bibigyan lamang ng babala, papauwiin o hindi padadaanin sa mga quarantine control points.

Nitong Huwebes, inanunsyo na ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, spokesperson ng IATF, na mandatory na ang pagsusuot ng face mask para sa mga taong lalabas ng kanilang mga tahanan para bumili ng pagkain bilang proteksyon laban sa coronavirus disease o Covid-19.

Papayagan ang mga face mask gaya ng surgical face masks, earloop masks, indigenous, reusable or do-it-yourself masks, face shields, at handkerchiefs.

“Kahit improvised ito o panyo, basta po may pangtakip tayo ng bibig at ilong.” ani Nograles

Ayon kay Dr. Edsel Salvana, National Institute of Health’s Institute of Molecular Biology and Biotechnology ang cloth mask ay hindi gumagana dahil wala itong filter gaya ng sa disposable surgical masks o mga N90 masks.

Sa isang interview naman sinabi ni Dr. Jean Lindo isang anesthesiologist, na ang dapat lang magsuot ng mask ay mga taong may sakit. Tinawag nyang “useless” ang pagsusuot ng mask ng isang taong nasa magandang kalusugan.

Dagdag ni Eleazar, maaaring magpasa ang mga local government units ng mga ordinansa ukol sa pag-aresto ng mga lalabag.

“LGUs are enjoined to pass ordinances for penalties on this violation para may basis na for arrest gaya ng curfew.” ani Eleazar.

Ang pagtatalaga ng mandatory face mask na ito ay sa gitna ng global shortage ng face mask.

Noong March 16, isang doktor sa Jose R. Reyes Memorial Center ang nagsabi sa isang interview na nagkakaroon na ng shortage ng surgical face mask at napipilitang maghanap ang mga medical personnel ng kani-kanilang mabibilhan.

Sa ngayon, ibinalita ni COVID-19 czar Secretary Carlito Galvez Jr. na nakausap na nya ang presidente ng Indian Commerce na tinitiyak na ang pagbili ng anim na milliong face masks na ikakalat sa Mercury Drugstore at Watsons na mabibili ng publiko sa mababang presyo.

 

Read more...