“YANG pagiging tanga mo choice mo na yan, mag-mask ka baka makahawa ka pa.”
Yan ang diretsahang banat ni Luis Manzano sa basher matapos kuwestiyunin ang kanilang paninindigan at paniniwala sa nagaganap na health crisis sa bansa.
Minamaliit kasi ng ilang netizens ang mga artistang nagbibigay ng opinyon at reaksyon sa mga ginagawa ng national government at mga lokal na pamahalaan para makontrol ang pagkalat ng COVID-19 pandemic.
Isa si Luis sa iilang celebrities na nagpahayag ng kanyang saloobin tungkol sa ilang mahahalahang issue ngayon dulot ng health crisis, kabilang na ang gagawing imbestigasyon ng NBI sa paglabag umano ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa Bayanihan To Heal As One Act.
Tweet ni Luis, “But the act wasn’t there yet for those possible violations diba? Or mali intindi ko?”
Sinundan pa ito ng pahayag ng TV host-comedian tungkol naman sa bantang “shoot them dead” ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng lalabag sa enhanced community quarantine guidelines.
Ito’y matapos nga ang pag-aresto ng otoridad sa 21 residente ng Quezon City na nag-rally sa North EDSA para manghingi ng pagkain.
Hirit ni Luis, “I wonder what PRD will say/do about the Sen. Koko incident…” na ang tinutukoy nga ay ang umano’y paglabag ni Sen. Koko Pimentel sa protocol ng Department of Health na mag-quarantine matapos magpa-COVID-19 test.
Dahil sa pagbandera ni Luis ng kanyang personal na paniniwala sa mga national issues, maraming nam-bash sa kanya pero as usual hindi sila umubra kay Luis dahil talagang sinupalpal niya ang mga ito.
Ilang netizens ang nagkomento na nakikisawsaw lang ang mga artista sa mga issue at karamihan pa raw sa mga ito ay wala namang alam at hindi pa nakapag-aral.
Bwelta ni Luis sa kanila, “Hindi kelangan na makapag-aral para may paninindigan o opinion, wag bobo.”
Isang hater naman ang tumawag sa kanya ng “partisan” o may kinikilingang political party. Kaya hinamon siya ni Luis ng, “Please let me know ano sa mga tweets ko ang political or partisan. i’ll wait.”
Resbak pa niya sa isang female Twitter user, “Ate… uulitin ko, kelan naging political or partisan tong mga tweets ko… let me know which one… praning ka ba? Mura ba abutan sa inyo? Diba galit Govt sa ganyan?”
Tanong naman ng isa pa niyang follower na may halong pang-ookray kung binasa ba niya ang transcript ng speech ni Duterte tungkol sa “shoot them dead” statement nito.
Sagot ni Luis, “Because i said hindi kelangan ng makapagaral to have a stand? Hindi ba tama yun regardless if DDS o dilawan?”
Hirit pa niya, “YANG pagiging tanga mo choice mo na yan, mag-mask ka baka makahawa ka pa.”
Ilang supporters naman ni Luis ang nagsabi na tama lang na bigyan ng leksyon ang mga epal na bashers na karamihan ay mga trolls lang naman.
Samantala, marami naman ang nagpaabot sa TV host ng mensaheng sana raw ay tuluy-tuloy lang ang pag-ere ng I Can See Your Voice sa ABS-CBN tuwing Sabado ng gabi.
Kahit daw puro replay muna ang mga episode na napapanood sa mystery music game show hosted by Luis ay nag-eenjoy pa rin sila. Last Saturday nga raw ay talagang pinanood nila ang guesting ni Regine Velasquez sa ICSYV dahil hindi pa raw nila yun napanood.
Looking forward din ang mga Kapamilya viewers sa mga susunod pang episode ng ICSYV para kahit paano’y maibsan ang kanilang pagka-bore at stress sa gitna ng krisis sa bansa.
Patuloy na tutukan ang I Can See Your Voice every Saturday night after Maalaala Mo Kaya sa ABS-CBN. Siyempre kasama pa rin diyan ang mga Sing-vestigators na sina Andrew E, Angeline Quinto, Kean Cipriano, Bayani Agbayani, Alex Gonzaga at Wacky Kiray with Jobert Austria at Kalad Karen.