2 Muslim na namatay sa Covid-19 di ipinalibing, Mayor ng Rodriguez, Rizal pinagpapaliwanag
Pinagpapaliwanag ng Department of Interior and Local Government ang lokal na pamahalaan ng Rodriguez, Rizal na tumanggi umano na ilibing doon ang dalawang Muslim na namatay sa coronavirus disease 2019.
Nagpalabas ng show cause order ang DILG laban kay Mayor Dennis Hernandez dahil sa malinaw na paglabag umano nito sa guidelines kaugnay ng paglilibing agad sa namatay sa COVID-19.
Ayon sa ulat na nakarating kay DILG Sec. Eduardo Año, tumanggi ang alkalde na pirmahan ang application for burial ng dalawang Muslim kaya napilitan ang pamilya ng mga nasawi na dalhin pa sa Muslim cemetery sa Norzagaray, Bulacan ang kanilang mahal sa buhay.
Ang unang biktima ay namatay noong Marso 22 at nailibing makalipas ang dalawang araw at ang ikalawa ay namatay noong Marso 30.
“Limitado ang Muslim cemeteries dito sa Metro Manila. Huwag na po sana nating dagdagan pa ang pighati ng mga namatayan na nagnanais lamang na maayos na mailagak sa huling hantungan ang kanilang namatay na mahal sa buhay,” ani Año.
Sa tradisyon ng Muslim, dapat mailibing ang namatay sa loob ng 24 oras.
Batay sa guidelines na ipinalabas ng Department of Health noong Pebrero 3, ang nasawi sa COVID-19 ay dapat ma-cremate o mailibing sa loob ng 12 oras.
“We are displeased with the disregard of the town mayor of Islamic traditions and I have already ordered our legal office to issue the show cause order to the Mayor of Montalban, Rizal,” dagdag pa ng kalihim. “Imagine the inconvenience of transporting their dead all the way from Metro Manila to Rizal and passing through checkpoints only to be turned away and then traveling to Bulacan just to be able to bury their departed family member.”
Iniimbestigahan ng DILG ang pangyayari kasama ang National Commission on Muslim Filipinos kung saan nagreklamo ang pamilya ng nasawi.
Labing isang Muslim na ang nasasawi sa COVID-19 mula ng ipatupad ang Enhanced Community Quarantine. Tatlo sa Metro Manila, isa sa Cagayan de Oro City, isa sa Iligan City, apat sa Marawi City at isa sa Davao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.