Katulad sa pagdami nang may COVID-19, ganoon din ang paglaganap ng mga false news (pekeng/maling balita) at false information sa social media sa panahon ngayon ng krisis.
Tanong nang ating mga readers and followers kung may sabit ba ang mga nagla-like, nagsi-share, nagre-retweet at nagko-comment ng mga fake news sa Facebook, Instagram, Twitter at iba pang social media.
Ito ang mga katanungan ng ating mga tagasubaybay na ating sasagutin ngayon.
1. Bawal ba ang false news at false information sa panahon ngayon ng COVID-19 crisis?
Ang false news at false information ay bawal hindi lang sa panahon ng COVID-19. Ito ay pinagbabawal na bago pa man magkaroon ng COVID-19 crisis.
Ang Revised Penal Code (Article 154) ay nagtakda na sino man tao na nag-imprenta o nagsapubliko (published) ng balita na hindi totoo (false news) at maaaring maglagay sa panganib ang patakarang pampubliko (public order) o masira ang interest o credit nang estado ay may parusang kulong na isang buwan o multa na P40,000 hanggang P200,000.
May mataas na parusa naman ang ipapataw kung ang false news ay nilathala o nilagay (published or posted) sa Facebook, Twitter, Instagram o ano pang paraan gamit ang information technology. Ang parusa rito ay anim na buwan at isang araw hanggang anim na taon.
Ang paggawa (creating), pagpapatuloy (perpetrating) at pagpapakalat (spreading) ng maling balita (false information) tungkol sa COVID-19 crisis sa social media at iba pang plataporma na kung saan ang information ay walang wasto o kapaki-pakinabang sa populasyon at klarong nakatuon sa pagsulong nang kaguluhan, panic, anarkiya, takot o pagkalito ay mahigpit namang pinagbabawal ng Bayanihan Law.
May parusang dalawang buwan o multa nang hindi bababa nang P10,000 at hindi hihigit ng P1 milyon o parusang kulong at multa ang sino man ang lalabag dito.
2. Ano ba ang false information?
Walang isinasaad sa Bayanihan Law (RA 11469), pati na ang implementing rules nito, kung ano ang definition ng false information.
Ang isang false news ay maituturing na isang false information dahil ito ay isang balitang huwad, peke, bulaan o kasinungalingan.
3. Iba ba ang “FAKE NEWS” sa false information o false news?
Walang legal term na “fake news”. False news ang ginamit ng Revised Penal Code (Article 154). False information naman sa Bayanihan Law.
Ang fake news ay isang kataga (term) o salita na ginagamit ng ating madlang people para tukuyin ang isang balita o information na peke, mali, huwad o kasinungalingan. Isang generic na salita para sa false news at false information.
Kaya ang false news at false information ay kakilala rin sa salitang fake news.
4. Lahat ba nang false information ay pinagbabawal sa Bayanihan Law?
Para ito ay maging labag sa Bayanihan Law, ang false information ay dapat:
a) Na-ipost sa social media at iba pang plataporma, gaya ng Facebook, Twitter, Instagram at iba pa.
b) Ang false information ay tungkol sa COVID-19 crisis.
c) Ang layunin ay magkaroon nang kaguluhan, panic, anarkiya, takot o pagkalito.
5. May sabit o criminal liability ba ang mga netizens na nag “like”, nag “share”, nag “retweet” o nag “comment” sa mga false information tungkol sa COVID-19 crisis sa Facebook, Instagram, Twitter at iba pa?
Mahigpit na ipinagbabawal ng Bayanihan Law ang pagpapalaganap o pagkakalat sa social media ng mga false information tungkol sa COVID-19 crisis. Ang pag “like”, pag “share”, pag “retweet” o pag “comment” dito ay maaaring paglabag sa batas na ito.
Kung ang nag “like”, nag “share”, nag “retweet” o nag “comment” ay kasabwat naman ng nag-post para ito ay ipalaganap sa social media na may hangarin o layunin na magkaroon nang kaguluhan, panic, anarkiya, takot at pagkalito sa sambayanan, tiyak sabit at may pananagutan sa batas ito.
Bagamat sa aking pananaw bilang abogado, ang pag “like”, “share”, “retweet” o “comment” sa mga ito ay sakop at protektado pa rin ng freedom of expression at speech ng Constitution, aking iminumungkahi sa mga netizens na sumunod sa Bayanihan Law lalo na sa panahon ngayon ng COVID-19 crisis.
Ang batas na ito na nagbabawal ipalaganap ang false information sa social media ay mananatiling batas na dapat sundin ng lahat hangga’t ito ay hindi idinideklara ng korte na labag sa Constitution.
Sa mga netizens, suriin munang mabuti ang mga news at information na lumalabas sa social media.
Pag-aralan at mag-isip kung ang mga ito ay huwad, peke, bulaan o kasinungalingan. Maraming paraan para i-fact check ang mga ito.
Mag-isip bago pumindot.