INIHAYAG ngayong gabi ni Pangulong Duterte na tanging sina Social Welfare and Development Rolando Joselito Bautista at si COVID-19 czar Carlito Galvez, Jr. ang mamamahagi ng P5,000 hanggang P8,000 cash assistance sa mga apektado ng lockdown sa Luzon sa harap naman ng banta ng coronavirus disease.
Sa isang biglaang public address, idinagdag ni Duterte na inaalis na ang partisipasyon ng mga pulitiko sa distribusyon ng tulong-pinansiyal sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa enhanced community quarantine.
“Ngayon, tinanggal ko sa pulitiko kasi maraming reklamo. Tinanggal ko sa pulitiko ‘yung distribution ng pera pati ang bigas na pagkain. Ibinigay ko kay Secretary Bautista, lahat na ‘yan… kasi itong DSWD may sariling distribution network na ‘yan, ‘yung Pantawid,” sabi ni Duterte.
Sa ilalim ng ipinasang Bayanihan Heal As One Act, naglaan ang pamahalaan ng P200 bilyon para matulungan ang mga mamamayang apektado ng lockdown.
Kasabay nito, muling nagbanta si Duterte sa mga mambubulsa ng pera at iba pang ayuda na inilaan sa mga mahihirap.
“Huwag kayong — huwag kayong… Do not entertain doubts about dishonesty and corruption. Hindi panahon na ‘yan ngayon. Not this time. Ako mismo nagsasabi,” dagdag ni Duterte.
“Kasi ‘yung iba nagdi-distribute kina-cutting. Instead of seven gawain ninyong five doon sa itaas sa repacking. Kaya ngayon DSWD na at ‘yung pera DSWD pati si Secretary Galvez,” ayon pa kay Duterte.
Sinabi pa ni Duterte na hindi na dapat manghimasok ang mga nakaupo sa pwesto.
“Naiintindihan ninyo ‘yan? Wala na kayong pakialam. Tinanggal ko na ang pulitiko. Puro na ito sa gobyerno. Mga military ito pero retired. Civilian na ‘yan,”giit ni Duterte.