MAGBIBIGAY ng P447 milyon ang Philippine Charity Sweepstakes Office sa 81 ospital ng gobyerno bukod pa sa P420 milyon na ibibigay nito sa PhilHealth.
Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma inaprubahan ng Board ang pagbibigay ng pondo sa 81 ospital sa isang pagpupulong noong Marso 31.
Ang ibibigay na pondo ay gagamitin lamang ng mga ospital sa paglaban sa coronavirus disease 2019 gaya ng pagbili ng Testing Kits; Reagents; Medical / Diagnostic Equipment; Confinement; gamot; Laboratory/Diagnostic procedures; at Personal Protective Equipment.
Ang pondo ay kinuha ng PCSO sa Calamity Assistance Program budget nito.
Pinakamalaki ang matatanggap ng Philippine General Hospital, Research Institute for Tropical Medicine at Southern Philippines Medical Center na tg-P50 milyon.
Sumunod ang Lung Center of the Philippines na may P35 milyon, at tig-P30 milyon naman ang Vicente Sotto Memorial Medical Center, Davao Regional Medical Center at Cagayan Valley Medical Center.