HUMAHAGOK na sa hirap ang mas nakararami nating kababayan na pinagbawalang magtrabaho dahil sa enhanced community quarantine. Naghihingalo na ang kanilang bulsa.
Napanood namin ang isang pamilyang nasa kalye na, namamalimos, dahil nagugutom na raw sila. May ibinibigay namang ayuda ang kanilang komunidad pero wala raw kasi silang natatanggap.
Naiintindihan natin ang kanilang sitwasyon, walang kinikilalang batas ang bitukang gutom, pero napakalaking paglabag sa ipinapayo ng DOH at ng ating pamahalaan ang kanilang ginagawang panglilimos.
Pinaiiral nga ang social distancing, kahit magkakapamilya ay pinagpapayuhang huwag nag-uumpukan, at hinihigpitan din tayong lumabas ng ating mga tahanan para makaiwas na mahawa sa COVID-19.
Sinisita ang mga nasa kalye, ipinagbabawal ang paglabas ng bahay, pagkatapos ay makakakita tayo ng mga kababayan nating humahabol sa mga sasakyan para manglimos.
Natural, karamihan sa mga sasakyang kinakatok nila ay hindi nagbubukas ng bintana, iniintindi siyempre ng mga mitorista ang kanilang kaligtasan.
Dalawang linggo pa lang ang lockdown, lahat naman ay kailangang magsakripisyo para sa malawakang pag-iwas sa salot, sana naman ay sumunod sa payo ng DOH at ng ating pamahalaan ang mga kababayan nating nanglilimos sa kalye.
Hindi sila umiiwas sa sakit sa kanilang ginagawa, sila mismo ang nang-iimbita sa coronavirus para sila biktimahin, sana’y maunawaan nila na para rin naman sa kaligtasan nating lahat ang enhanced community quarantine na pinaiiral ngayon.