MATINDING lungkot ang hatid sa pamilya Revilla, lalo na kay Senador Bong, ng pagpanaw ng kanyang staff dahil sa COVID-19.
Hindi biro ang tagal ng panahong nakasama nila ito, mahigit na tatlong dekada, hindi pa man pumapasok sa mundo ng pulitika ang senador ay nasa kanya na ang pumanaw.
Kung mapapansin, sa lahat ng nasusulat at ipinalalabas sa telebisyon ay walang binabanggit na pangalan ng staff ni Senador Bong, sinadya nila ‘yun para sa kapribaduhan ng pamilya nito.
May mga kababayan kasi tayong may kaigsian ang pisi ng pang-unawa. Kapag nalaman nilang kinapitan ng virus ang kanilang kapwa ay para bang isang napakalaking krimen na ang ginawa nito, meron pa ngang pinaaalis sa kanilang komunidad ang mga napatunayang positibo sa corona virus, sa halip na makidalamhati ay nanghuhusga pa.
Para tumagal ang isang staff nang mahigit na tatlong dekada na ay kapamilya na ang turing sa kanya ng kanyang pinagseserbisyuhan.
Ganu’n ang pagmamahal ni Senador Bong at ng buong angkan ng Revilla sa pumanaw niyang staff. Napakasakit para sa kanila ng naganap dahil ni hindi man lang nila ito nakausap bago naospital hanggang sa pumanaw na.
Nasa pag-iingat ni Senador Bong ang mga abo ng pumanaw niyang staff. Naka-quarantine din ang buong pamilya nito, ang lahat ng mga nakasalamuha ng kanyang staff sa loob nang dalawang linggo, para sa kanilang kaligtasan.
Madalas naming makasabay sa PNP Custodial Center ang staff ng senador na pumanaw, tumutulong ito sa pag-aasikaso sa mga bisita ng napiit na senador, sa biglang tingin ay parang wala namang dinaramdam ang staff.
Ang pakikiramay namin sa lahat ng mga iniwan ni Manong, lalo na sa pamilya ni Senador Bong na itinuturing na itong miyembro ng kanilang pamilya, maraming salamat din sa hindi nila pagpapabaya sa pamilya ng yumaong staff.