NATIGIL man ang paghahatid ng saya at pamamahagi ng tulong ng Eat Bulaga sa mga Dabarkads, tuluy-tuloy lang ang pagbibigay ng ayuda ng programa sa mga nangangailangan ngayong panahon ng krisis.
Puro replay ang mga episode na napapanood sa Eat Bulaga dulot ng enhanced community quarantine. Pero habang hinihintay nga ang pagbabalik ng lahat sa normal, tuloy lang ang pagtulong ng mga Dabarkads sa mga nangangailangan.
Tulad na lang ng pagdo-donate nila ng tatlong 3D printers sa University of Santo Tomas, na gagamitin para sa paggawa ng mga face shields na ipamamahagi naman sa mga bayaning frontliners na patuloy na nagbubuwis ng buhay para makontrol ang COVID-19 pandemic.
Sa isang Facebook post, nagpasalamat naman ang UST sa producer ng EB, ang TAPE Inc., pa pag-aari ni Tony Tuviera.
“The University of Santo Tomas, through the Faculty of Engineering, received three brand-new Ultimaker 2+ 3D printers from the company producing the country’s longest-running noontime show, Eat Bulaga.
“The new printers, installed in the University earlier today, will augment UST’s efforts of producing visors for the face shields of frontliners.
“Maraming salamat, TAPE, Inc. at mga Dabarkads!” ang mensahe ng pasasalamat ng UST.
Kamakailan, bumandera sa social media ang ilang litrato kung saan makikita ang mga volunteer mula sa Faculty of Engineering na siyang gumagawa ng mga face shield visors gamit ang anim na 3D printers.
Marahil ay nakita ito ng mga taga-Eat Bulaga kaya naisipang mag-donate ng karagdagan 3D printers para mas mapabilis ang pagpo-produce ng face shields na isa sa mga mahahalagang protective equipment ng mga frontliners.