Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 si dating Sen. Bongbong Marcos.
Ayon sa kanyang tagapagsalita ng dating senador na si Atty. Victor Rodriguez “gumaganda na ang kondisyong pangkalusugan” ni Marcos matapos itong magpositibo sa nasabing sakit.
Kasalukuyan nasa isang isolation area umano ang dating senador.
Batay sa kuwento ni Marcos kay Rodriguez dumating siya mula sa Europa noong Marso 14 at kinabukasan ay pumunta sa ospital matapos manikip ang kanyang dibdib.
“Pero umuwi na lang ako kasi sobrang dami ng pasyente noon sa pinuntahan kong ospital kaya hindi na ako nagpumilit na magpaasikaso upang mabigyan ng tamang atensiyon ang mga pasyenteng nauna sa akin… na maaaring mas masama ang pakiramdam,” ani Marcos sa paglalahad ni Rodriguez.
Muli lamang umanong lumabas si Marcos noong Marso 22 para pumunta sa emergency room ng ospital matapos mahirapang huminga at doon siya kinunan ng sample na ginamit sa COVID-19 test.
Noong Sabado inilabas ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang resulta ng test.
“Simula noong Marso 13, 2020 hanggang sa ngayon ay sinusunod ng dating senador ang health protocol sa mga PUI at taimtim at tahimik nyang tinupad ang ipinaiiral na proseso ng gamutan, ‘tulad ng safety mask at self-quarantine, at walang ingay na inilayo ang kanyang sarili maging sa kanyang pamilya ‘gaya ng isang simple, responsable at ordinaryong pasyente,” saad pa ng tagapagsalita.