UMAPELA si Senador Win Gatchalian sa mga private lending institutions na huwag nang patawan ng penalties ang mga mahuhuling bayad sa mga loan ng guro at iba pang kawani ng Department of Education (DepEd).
Sa isang sulat noong Marso 20, pinaalalahanan ni DepEd Undersecretary for Finance Annalyn M. Sevilla ang mga kumpanyang bahagi ng Automatic Payroll Deduction System (APDS) na bahagi ito ng pinirmahang terms and conditions of the APDS accreditation (TCAA).
Idinagdag ni Sevilla na inaasahang mahuhuli ang pagproseso at paglabas sa mga bayad sa loan dahil sa lockdown sa Luzon.
Sinabi naman ni Gatchalian na sa ilalim ng Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act, tungkulin ng mga bangko at iba pang mga financial institutions na dinggin ang apela ng DepEd.
“Malaking tulong para sa mga guro at kawani ng mga paaralan ang palugit para sa kanilang mga bayarin. Isinabatas na natin sa pamamagitan ng ‘Bayanihan to Heal as One Act’ ang ilang hakbang na ginagawa na ng ibang mga bangko na ipagpaliban muna ang pagbabayad ng anumag loan habang may kinakaharap tayong krisis pang kalusugan. Dapat matulungan din natin ang bawat guro at kawaning itawid ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Sa ilalim ng RA1164, dapat magpatupad ng mandatory grace period ang mga bangko ng hindi bababa sa 30 araw para sa sa mga bayad sa loan.
Kailangan ding sumunod ang Government Service and Insurance System o GSIS, Social Security System o SSS at ng PAG-IBIG Fund sa probisyong ito ng naturang batas.