HUMILING ng dasal ang TV host-comedienne na si K Brosas para sa kapatid niyang nurse ay iba pang kapamilya na nasa Italy.
Isa ang nasabing bansa sa may pinakamaraming kaso ng COVID-19 kaya nag-aalala ang komedyana sa kalagayan ng kanyang pamilya na matagal nang naninirahan doon.
Sa kanyang Instagram page, ipinost ni K ang litrato ng kapatid na si Emily Brosas na nakasuot ng protective suit habang ginagawa ang trabaho nito sa isang medical facility sa Italy.
“This is my Ate Emily, a registered nurse sa Italy. Actually buong family ko nasa Italy matagal na. Bigla akong na-sad. Please pray for our hardworking health workers/frontliners,” caption ng singer sa kanyang IG post.
Habang sinusulat ang balitang ito, umabot na sa mahigit 101,000 ang kaso ng coronavirus sa Italy, with 11,591 deaths at 14,620 recoveries.
Samantala, hindi rin nagdamot ng tulong si K para sa mga bayaning frontliners.
Nag-donate rin ang singer-comedienne ng Personal Protective Equipment (PPEs) para sa mga healthcare workers kasabay ng panawagan na sana’y huwag magsawang tumulong ang iba pang mga Pinoy na may kakayahang magbigay ng donasyon sa panahon ng krisis.
“Be safe po lagi sa ating mga masisipag na healthworkers/frontliners. Alam ko pong kulang na kulang ang mga PPEs ngayon kaya sana tumulong tayo sa kahit konting paraan na mabigyan sila.
“Gusto ko man mabigyan lahat pero hindi ko kaya. Pero kung lahat tayo ay tutulong kahit pa konti-konti ay magiging malaking bagay na. God bless you all,” mensahe pa ni K Brosas.