TATAGAL ng dalawang linggo bago matapos ang pagsasaayos sa gusali na gagamiting coronavirus disease 2019 testing center ng Marikina City.
Matapos hindi payagan ng Department of Health na buksan ang testing center na nasa ika-anim na palapag ng City Health Office, ililipat ito sa dalawang palapag na gusali sa Bayan-Bayanan Ave., Brgy. Concepcion Uno.
Sinimulan na ang pag-ayos sa gusali upang maging angkop sa pagiging testing center.
Ayon sa DoH hindi pumasa sa space and biosafety standards ang sixth floor ng Health Office at maging sa Amang Rodriguez Medical Center na naunang napiling paglipatan nito.
Ang bagong napiling gusali ay may laking 160 metro kuwadrado at wala sa populated area. Hindi rin binabaha ang lugar. Walang ibang opisina na isasama sa testing center.
Nauna ng sinabi ni DoH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mataas ang risk ng pagkalat ng sakit sa mixed-use building.