Pinoy doctors, frontliners makakaiwas sa COVID-19 kung walang magsisinungaling

ANG binalangkas na programa ng ABS-CBN nitong nagdaang Linggo ay handog sa magigiting nating frontliners, ang mga doktor, nurses at iba pang mga nagtatrabaho sa ospital, kasama na rin ang mga unipormadong pulis at militar na nagbabantay sa pasukan at labasan ng lockdown.

    Tunay namang sa gitna ng kanilang pakikipaglaban ay napapanahong bigyan ng pagsaludo ang mga frontliners na inuuna munang makapagligtas ng mga kababayan nating kinapitan ng virus kesa sa kanilang mga sariling pamilya at personal na kaligtasan.

    Marami nang nalalagas sa kanilang hanay, resulta ‘yun ng hindi pagsasabi nang tapat ng mga pasyenteng nagpupunta sa kanila na umepekto na lang pagkatapos nang ilang araw, nakakalungkot ang nagaganap sa mga dakila nating doktor na pumapanaw.

    Sana nga ay magising na sa katotohanan ang mga kababayan nating hindi sumusunod sa mga payo at alituntunin ng DOH at ng ating pamahalaan. Mamalagi na lang sana sila sa loob ng kanilang mga tahanan para hindi sila mahawa at makapanghawa.

    Ganu’n katindi ang disiplinang pinairal sa China na pinaniniwalaang pinagmulan ng COVID-19, talagang mahigpit ang kanilang pagbabantay, nanatili lang sa loob ng bahay ang kanilang mamamayan.

    Sina Jojo at Lesly Grace Advincula na regular naming tagasubaybay sa radyo ay nagsakripisyong mamalagi lang sa kanilang tinitirhang hotel na para sa mga performers.

    Wala silang trabaho, sarado ang mga bar at club, matinding problema sa kanila ang kawalan ng tugtog pero kailangan nilang sumunod sa lockdown na mahigpitang pinariiral sa Hainan.

    Ngayon ay halos wala nang nadadagdag sa bilang ng mga positibo sa virus sa China, sa Amerika at Italy naman sumesentro ang salot, tularan din sana ng mga bansang ito ang higpit ng disiplina ng China para masugpo na ang mapamuksang COVID-19.

Read more...