EKSAKTONG dalawang linggo na tayong nakapailalim sa enhanced community quarantine kahapon.
Ganu’n din kahaba ang panahon na hindi namin nasisilip ang langit dahil literal lang kaming nasa loob ng bahay.
Sa mga tulad naming palaging abala sa trabaho sa labas ay napakahirap ng ganitong sitwasyon. Ang bagal-bagal ng oras. Nakakainip, nakakaburyong at iba pang mga terminong maaaring gamitin sa ganitong sitwasyon.
Kung nagtanim nga kami ng kamote ay may talbos na ngayon. May pangsahog na sana kami sa sinigang na hindi na kailangang bumili pa sa palengke.
Naka-house arrest din ngayon ang mga artista, pero nakagagawa ng paraan ang ABS-CBN na makapagtawid ng kanilang programa nang live sa pamamagitan ng Zoom, nasa kani-kanilang bahay lang ang mga singers at artista nila.
Sa isang panahon na lalong kumakabog ang ating dibdib dahil sa padagdag nang padagdag na bilang ng mga kababayan nating dinadapuan ng mapamuksang virus ay masarap namang kahit paano’y malibang tayo sa pamamagitan ng pagkakantahan ng mga personalidad.
Sabi nga ng kaibigan naming propesor, “For a change naman. Dalawang linggo na tayong pinanenerbiyos ng COVID-19, kaya malaking bagay ang ginagawa ng ABS-CBN.
“Nalilibang tayo kahit paano, nawawala ang stress natin, ‘yun pa naman ang matinding kalaban ng katawan natin ngayon. Kapag stressful tayo, bumababa ang immunity natin.
“Ang ganda ring makita ang mga performers na hindi naka-make-up, hindi kuntodo ang bihis, literal lang silang nasa bahay. Malalaman mo talaga kung sino ang natural na maganda at alipin ng make-up,” naglilibang na komento ni prop.
Walang ipinagbabago ang boses ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez nasa gitna man siya ng entablado o basta nakaupo lang. Birit kung birit pa rin siya habang nasa piano naman si Ogie Alcasid na kumpleto sa technical rider sa kanyang studio.
Napakataas pa rin ng boses ni Regine, walang kadaya-daya, tunog lang ng piano ang umaakumpanya sa kanya. Sa ganu’ng pagkakataon natin mabibigyan ng kredito ang mga singers na walang pinipiling panahon sa pagpe-perform.