Moira: In times of trouble, music brings comfort, hope & peace 

ISA si Moira dela Torre sa mga OPM artist na naging “BFF” na ng mga Pinoy ngayong panahon ng health crisis dulot pa rin ng COVID-19 pandemic.

E kasi nga, ang mga kanta ni Moira ang palaging pinakikinggan ngayon ng ilan nating mga kababayan habang “nakakulong” sa kani-kanilang mga tahanan.

Bentang-benta ngayon sa mga mahihilig sa hugot songs ang bagong album ng Kapamilya singer, ang “Patawad” na saktung-sakto sa pinagdaraanan ngayong pagsubok ng mga Filipino. 

Isa na namang emosyonal na paglalakbay ang hatid ng “Patawad” sa OPM lovers kung saan mapapakinggan ang mga bago niyang kanta at recent collaborations gaya ng “Mabagal” at ang trilogy na “Paalam, Patawad.”

“To be honest with you, ninais namin i-postpone ang release ng album. Naiintidihan ko na ang matinding pinagdaraanan ng lahat ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Pero nauunawaan ko rin na sa paghihirap, music is always a present friend,” pahayag ni Moira.

“In times of trouble, music brings comfort, hope and peace, kaya’t napagdesisyunan naming ituloy ang release na may layunin na ang mga awitin dito, na inabot ng dalawang taon bago matapos, ay maghahatid ng ligaya at suporta,” dagdag niya.

Siyam sa 13 kantang nasa bagong album ni Moira ay original niyang komposisyon. Ito ay ang “Kita Na Kita” with her husband Jason Hernandez, “Ang Iwasan,” “Pahinga,” “Ikaw Pa Rin” kasama si Erik Santos, “Sabi Ng Lola,” “E.D.S.A. – Emosyong Dinaan Sa Awit,” at ang trilogy na “Patawad, Paalam,” na kolaborasyon niya kasama ang I Belong To The Zoo, “Paalam” kasama naman ang Ben&Ben, at ang “Patawad.” 

Bukod dito, mapapakinggan din sa album ang performance ni Moira ng spoken word piece ni Brian Vee na “Handa, Awit,” ang theme song ng “24/7” na “Hanggang Sa Huli,” “Unbreakable” mula sa pelikula ng Star Cinema, at ang 2019 Himig Handog Best Song na “Mabagal.”

Bago ni-release ang album na “Patawad,” inilabas na rin ang mga music video ng mga kantang “Paalam” at “Patawad,” na siyang kumukumpleto sa kwento ng pag-ibig na hindi itinadhana, na nagsimula sa “Patawad, Paalam” noong isang taon.

Samantala, umulan naman ng samu’t saring emosyon sa paglabas ng bagong album ni Moira, kabilang na ang mga papuri ng mga tao sa kakayahan niyang pakalmahin ang puso ng mga tagapakinig gamit ang kanyang musika.

“Sobrang gaan, nawala yung bigat. Pakiramdam ko ngayon lang ako uli nakalanghap ng ganitong hangin. Nakakapanibagong ang gaan sa dibdib. Ang laking tulong! Ang sarap sa pakiramdam. Nakawala ako sa gumagapos sa akin,” sabi ni @LyannaMylle sa Twitter.

“Sa gitna ng magulong mundo, pinakalma mo ang aming mga puso. Salamat. Salamat talaga. @moirarachelle4 #PatawadAlbum,” tweet naman ni @puurli.

Pakalmahin ang puso at pakinggan ang “Patawad” album ni Moira sa Spotify, Apple Music at YouTube. Panoorin din ang mga music video ng “Paalam” at “Patawad” sa ABS-CBN Star Music’s YouTube channel.

Read more...