‘Kayanin pa kaya ng Pinoy kung tatagal ang ECQ hanggang Mayo?’

SA ganitong panahon na naliligalig ang buong bansa dahil sa padagdag nang padagdag na bilang ng mga kinakapitan ng mapamuksang COVID-19 ay halos hindi na natin alam kung anong petsa at araw na.

Napakabagal ng oras, dalawang linggo pa ang kailangan nating bunuin sa ilalim ng enhanced community quarantine, hindi lang ang mga tinatamaan ng salot ang humihingi ng dasal kundi pati ang bulsa ng mga Pinoy.

Lalo na ang mga kababayan nating gumagana lang nang arawan, walang trabaho ay walang suweldo ang kanilang pinagdadaanan ngayon, paano na nga naman ang bituka ng kanilang pamilya?

Napakasuwerte ng mga kababayan nating makakapal ang bulsa, tumagal man nang ilang taon ang lockdown ay hindi man lang sila aaray, kumpara sa mas nakararaming bilang ng umaasa na lang ngayon sa mga bigay-bigay ng kanilang barangay.

Kailangang nasa bahay lang tayo, bawal lumabas, pero habang nasa bahay nga lang tayo ay tuloy-tuloy pa rin naman ang konsumo natin ng tubig at kuryente.

Tanong ng kaibigan naming propesor, “Saang kamay ng Diyos natin kukunin ang pambayad sa ilaw at tubig kung ganitong hinto tayo sa pagtatrabaho?”

Kahit paano’y may madudukot pa si prop, meron pa itong masisimot mula sa kanyang naghihingalo na ring bulsa, pero paano ang mga kababayan nating arawan lang ang suweldo na walang trabaho ngayon?

Nadagdagan pa ang kanilang pag-aalala dahil hindi man kumpirmado ay may mga balitang lumulutang ngayon na magkakaroon pa raw ng ekstensiyon ang lockdown.

Magtatagal pa diumano hanggang Mayo ang enhanced community quarantine. Kung sa isang buwan pa nga lang ay namimilipit na sa hirap ang buong bayan, paano pa kapag tumagal nang ilang buwan ang ganitong sitwasyon, saang kangkungan na tayo pupulutin?

Sa lahat ng pagsasakripisyong ito ay meron naman tayong tinatanggap na konsolasyon. Nakaiiwas tayo sa COVID-19, hindi tayo nahahawa, hindi rin tayo nanghahawa kung meron man tayong sakit na walang sintomas pero positibo pala.

Dagdag na panalangin pa ang ating kailangan, makisama rin sana ang mga kababayan nating pasaway na labas pa rin nang labas at hindi sumusunod sa panawagan ng DOH at ng ating pamahalaan, isa lang ang ating buhay at hindi tayo pusa na sinasabi sa kasaysayan na may siyam na buhay.

Read more...