ISAMA na ang mga standout players ng University of Santo Tomas team na nag-second place sa UAAP Season 80 girls’ volleyball tournament sa magbibigay ng kanilang suporta sa mga medical frontliners na lumalaban kontra coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ito ay matapos na i-donate ng mga dating Santo Tomas girls volley stars na sina Eya Laure, Imee Hernandez, Maj Mangulabnan, Janna Torres at Det Pepito ang kanilang mga jerseys nitong Linggo para ibenta sa Every Little Thing Counts Facebook page, na itinatag para makatulong sa laban kontra COVID-19 kung saan ang makakalap na pondo ay ipambibili ng mga protective equipment para sa mga medical frontliners.
Matapos na mag-graduate sa junior ranks, nanatili sa UST sina Laure, Hernandez, Mangulabnan at Torres. Kabilang na rin sila ngayon sa senior Tigresses team na hinahawalan ni coach Kungfu Reyes. Si Laure ay pinarangalan bilang Rookie of the Year nitong Season 81. Si Pepito, na isang four-time UAAP juniors best libero, ay nasa kanyang huling taon ng paglalaro para sa UST high school team. Ang pagsubasta sa buong set ng UST team jerseys ay magsisimula sa P5,000.
Bago ito ay isinubasta na rin ng dating De La Salle University star na si Ara Galang ang kanyang Lady Spikers jersey sa halagang P2,000 para makatulong sa mga medical frontliners.
Magtatapos ang subasta ni Galang sa Abril 2 ganap na alas-12 ng tanghali habang ang pagsubasta ng mga UST girls’ jerseys ay hanggang alas-12 ng tanghali sa Abril 3.