PATUNG-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ng alkalde ng Noveleta, Cavite, at ilan pa katao para sa umano’y pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa 2019-Coronavirus disease (COVID-19).
Kinasuhan si Mayor Dino Chua para sa umano’y pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa unang kaso ng COVID-19 sa Cavite City, ayon kay PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac.
Kabilang sa mga isinampa sa alkalde ang paglabag sa kapapasa lang na Republic Act 11469 o “Bayanihan to Heal As One Act,” aniya.
Nadawit din sa mga kaso ang mga mamamahayag na sina Mario Batuigas, may-ari ng Latigo News TV; at Amor Virata, isang a Vlogger at online reporter, ayon kay Banac. Bago ito aniya ay inireklamo si Chua ng lokal na pamahalaan ng Cavite City.
Lumabas sa imbestigasyon ng PNP Regional Anti-Cybercrime Unit-Calabarzon na isang “Maggie Bernal” ang nag-post sa social media ng 10 larawan ng mga umano’y persons under investigation sa Cavite City at nagbahagi pa ng impormasyon na isang taong may COVID-19 ang namatay sa Cavite Medical Center.
Sa naturang social media account ay inakusahan din ang lokal na pamahalaan ng Cavite City para sa di pagiging “transparent” dahil di nito ipinaalam sa publiko ang impormasyon, ayon kay Banac.
Itinanggi ng lokal na pamahalaan ang akusasyon, gamit ang datos mula sa fact-checking ng Rural Health Unit (RHU), aniya.
Napag-alaman na ang larawan ng pasyente ay ipinaskil pa sa isang news website, bagamat nilinaw na ng RHU na ang pasyente’y mula sa Makati City.
Ayon sa PNP Anti-Cybercrime Group, nagdulot ang di beripikadong post ng panic sa mga residente ng Cavite City.
Sa karagdagang imbestigasyon, napag-alaman na ang account na “Maggie Bernal,” dating may pangalan na “Angela Mae de Guzman,” ay ginawa ni Chua noong 2010 at ginamit laban sa kalaban sa politika, ani Banac.
Napag-alaman ito sa salaysay ng isang saksi, na dating nagsilbi bilang administrator ng naturang social media account, aniya.
Nadawit naman ang online news portal na Latigo News TV dahil ibinahagi din nito ang maling impormasyon tungkol sa Cavite City, bagamat di nito pinangalanan ang pasyente, ayon kay Banac.
Bukod sa paglabag sa R.A. 11469, sinampahan din sina Chua ng unlawful use of means of publication and unlawful utterances, online libel, paglabag sa R.A. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, at paglabag sa Data Privacy Act.