HINDI lang pamimigay ng food packs at iba pang relief goods ang ginagawa ngayon ni Bela Padilla sa gitna ng COVID-19 crisis sa buong mundo.
Nakabantay din pala ang aktres sa mga ginagawang pagpapatupad ng mga otoridad sa enhanced community quarantine sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Hindi nagustuhan ni Bela ang napanood niyang eksena sa isang viral video kung saan makikita ang police chief ng Maynila na minumura at hinahataw ang mga residente sa Quiapo.
Maririnig din sa video ang police official na pinagbabantaan ang mga tagaroon na babarilin kapag lumabag sa curfew hours.
“Lahat ng lalabas nang wala sa oras mababaril ka! Tang **a niyo,” ayon sa nasabing PNP officer kasama ang tatlong uniformed policemen na may bitbit na armas.
Pagkatapos nito ay pinagalitan naman niya ang isang lalaki na umano’y lumabag sa quarantine protocols.
“Bakit bukas ba ngayon? Iyan ba ang dapat niyong gamitin ngayon?” sabi ng pulis. Magpapaliwanag pa sana ang residente pero pinalo na siya ng stick ng pulis.
“Tang ***a mo, matigas ulo mo! Umuwi ka! Lalabas kayo, akala niyo passes iyang quarantine pass?!” sabi pa ng pulis.
Ayon kay Bela, naiintindihan niya ang punto ng mga pulis na nagpapatupad ng quarantine protocol dahil nga meron pa ring matitigas ang ulo. Pero aniya, hindi naman tama na mura-murahin at saktan ang mga tao lalo na ngayong panahon ng krisis.
“Is this our new normal? Nasan po yung ‘compassion’?” simulang pahayag ni Bela.
Dugtong pa ng dalaga, “I understand that. Madami po talagang pasaway. But violence is not the answer. It doesn’t only hurt physically but it also strips off a person’s dignity.”
Nakiusap pa siya sa mga otoridad na dagdagan pa ang pasensiya para maiwasan ang mga bayolenteng eksena, “Sa panahon ngayon LAHAT TAYO kelangan habaan ang pasensya.”