Kim Chiu namigay ng relief goods sa 500 pamilya sa Marikina: Ang sarap sa pakiramdam

MANGIYAK-NGIYAK si Kim Chiu habang ikinukuwento ang pagbibigay niya ng tulong sa ilang kabarangay niya sa Marikina.

Napakasarap daw sa pakiramdam ang makatulong kahit paano sa mga taong nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic. Mismong si Kim at ang kanyang pamilya ang nag-pack ng relief goods at bigas  sa apat na barangay sa Marikina.

“Parang naengganyo ako sa mga nakikita sa Instagram. Gusto ko magbigay hindi lang sa fundraising, sa donation, gusto ko ‘yung mapagod din ako, galaw-galaw, bukod sa exercise. 

“Ang sarap mag-repack ng mga bagay-bagay tapos mahahatid mo sa mga pamilya dito sa kung saan ako nakatira, dito sa paligid ko, mabigyan ko sila, kasi walang work. Sa maliit lang na bagay, malayo naman ang mararating. 

“Sana maraming ma-inspire doon sa kahit maliit lang na bagay, kahit ilang barangay lang, apat na barangay, 500 families, okay na ‘yon. So napakasarap sa pakiramdam. 

“At saka ‘yung angels namin dito tulungan kami, para may ginagawa kami together, bonding. Ito na yata ang pinakamalala kong bonding sa mga angel ko rito sa bahay,” pahayag ni Kim sa panayam ng Magandang Buhay kaninang umaga.

 Pagpapatuloy pa ng aktres na tuluyan na ngang naging emosyonal, “Masarap sa feeling siyempre, kahit paano may nagawa ka sa kapwa mo.” 

“Siguro, lahat ng tao ngayon ay pantay-pantay na. Walang mahirap, walang mayaman. Parang iisa na lang ‘yung dinudulog natin na sana ay matapos na lahat ito. Ngayon parang naging stronger ‘yung faith natin kasi wala tayong makapitan dahil walang gamot ang coronavirus, sadyang prayers na lang. 

“Kaya every night nagro-rosary na kami. Two weeks na kami nagro-rosary. Hindi ko inakala na aabot kami sa ganito. At least kaka-pray mo nang kaka-pray, malakas naman kami rito sa bahay. Pinagdarasal din namin ang frointliners lasi ang hirap nang ginagawa nila ngayon, ‘yung mga guard, nag-aayos ng internet,” pahayag pa ng dalaga.

Ito naman ang mensahe ni Kim sa madlang pipol, “Siyempre iba iba tayo nang dinaranas na problema ngayon. Sana tibayan lang nila ang loob nila, tibayan nila ang paniniwala sa Panginoon na sana ay matapos na lahat ito.

“Tibay lang ng loob, ng resistensiya, tibay lang, tiwala sa Panginoon. Tibayan ang ating sarili kasi ang hirap talaga nito,” aniya pa.

Tapos na rin ang 14-day self- quarantine ni Kim at ng iba pang kasama sa Kapamilya series na “Love Thy Woman” matapos ngang mag-positibo ang co-star nilang si Christopher de Leon sa COVID-19 na ngayon ay nagpapagaling na sa kanilang tahanan.

Read more...