12 tanong, sagot na dapat mong malaman tungkol sa State of National Emergency sa panahon ng Covid-19

MARAMI sa ating mga tagasubaybay ang nagpahayag ng takot at pagkabahala sa pagdedeklara ng “State of National Emergency” lalo na’t nagbibigay ito ng karagdagang kapangyarihan kay Pangulong Duterte.

Dito ay paguusapan natin nang masinsinan kung ano ba talaga ang “State of National Emergency”.

Ipinasa ng Kongreso ang certified bill na “Bayanihan to Heal as One Act” at ito ay nilagdaan ng Pangulo nitong Marso 25.

1. Ano ang “State of National Emergency”?

Ito ay isang sitwasyon kung saan ang Kongreso ay nagdedeklara na ang bansa ay nasa kalagayan nang isang emergency dala nang hindi inaasahang bagay gaya ng sakuna o pandemic gaya ng COVID-19.

2. Bakit kailangan ideklara ng Kongreso ang “State of National Emergency”?

Para bigyang buhay ang Section 23 (2) Article 6 ng Constitution. Kung walang deklarasyon ang Kongreso hindi nito maaaring bigyan ng pansamantalang kapangyarihan ang Pangulo para labanan ang COVID-19 na naaayon sa Section 23 (2) Article 6 ng Constitution.

3. Bakit naipasa ng Kongreso ang “Bayanihan to Heal as One Act” sa loob lang ng isang araw?

Dahil ito ay certified bill ng Pangulo kaya exempted ito sa mga alituntunin na nakalagay sa Constitution. Gaya nang required na 3 separate days reading at pagbibigay ng kopya ng final form ng bill sa mga miyembro ng Kongreso. Inadopt din ng House of Representatives ang Senate bill kaya wala nang pagtatalo at hindi na sila nag-bicameral meeting.  Ang bicameral meeting ay nagaganap kung may conflict doon sa version ng Senate at House bill.

4. Naaayon ba sa Constitution ang ginawa ng Kongreso na bigyan ng pangsamantalang kapangyarihan ang Pangulo sa ganitong panahon ng crisis upang labanan ang COVID-19?

Ayon sa ating Constitution (Section 23-2, Article 6) maaaring bigyan ng pangsandaliang kapangyarihan ang Pangulo sa ganitong sitwasyon, pero ang mga sumusunod ay dapat naririto:

A.Ang bansa ay nasa national emergency;

B.May pahayag na pambansang polisiya (declared national policy) na dapat maisakatuparan;

C.Ang batas na ipapasa ng Kongreso kung saan pinapayagan ang Pangulo na gumamit ng kapangyarihan ay dapat naaayon upang isagawa at maisakatuparan ang isang pambansang palisiya (declared national policy);

D. Ang batas ay may nakatakdang panahon at hangganan; at

E. Ang batas ay may mga restrictions para hindi maabuso ng Pangulo.

 

5.May pambansang pahayag (declared national policy) ba na ginawa ang Kongreso?

Oo, ito ay ang mapuksa na pagkalat ng COVID-19.

6. May hangganan ba ang binigay na kapangyarihan sa Pangulo?

Hanggang tatlong buwan lang mula sa epektibo ng batas.

7. Kailan naman magiging epektibo ang batas?

Matapos itong ilathala sa official gazzete o sa anumang diyaryo na mayroong general circulation.

8. Pwede ba itong palawagin o i-extend ng Kongreso?

Oo, pero dapat magkaroon ito ng batas ulit para bigyan ng pansamantalang kapangyarihan ang Pangulo.

9. Pwede ba itong bawiin ng Kongreso bago sumapit ang tatlong buwan?

Maaari itong bawiin ng Kongreso kahit anumang oras sa pamamagitan lang ng isang resolution at hindi batas.

10. Nagkaroon na ba ng mga katulad nitong batas sa ating bansa?

Oo, noong panahon ng pamahalaan ni Elpidio Quirino. Binigyan din ng ganitong kapangyarihan si Pangulong Corazon Aquino upang mapigilan ang mga hoarders, profiteering at price manipulation dala ng sunod-sunod na kudeta. Si Pangulong Fidel Ramos ay binigyan din ng ganitong kapangyarihan upang solusyunan ang energy crisis.

11.Maaari bang magdeklara ng martial law ang Pangulo dahil mayroon tayong “State of National Emergency”?

Ang pagdeklara ng State of National Emergency ay hindi pupwedeng gamiting basehan upang mag deklara ng martial law.

12. Pupwede bang i-takeover ng gobyerno ang ABS-CBN, Manila Water, Meralco at iba pang private institution dahil sa pagdeklara ng State of National Emergency?

Walang ibinigay na kapangyarihan sa Pangulo para magtakeover ng mga private institution gaya ng ABS-CBN, Manila Water, Meralco at iba pa para sugpuin at labanan ang COVID-19.

 

Read more...