SINABI Health Secretary Francisco Duque III na mararamdaman ang epekto ng enhanced community quarantine sa buong Luzon sa susunod na dalawang linggo.
Ito’y sa harap naman ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa kabila ng umiiral na isang buwang lockdown sa Luzon.
Sinabi ni Duque na nakuha pa ng mga tinamaan ng COVID-19 ang virus bago ang lockdown sa harap naman ng pito hanggang 14 na araw na incubation period.
“Ang nakikita pa lamang ng Kagawaran ng Kalusugan ay mga kaso bago pa simulang ang enhanced community quarantine. Ito ay dahil ang incubation period ng COVID-19 ay nasa 7 to 14 days,” sabi ni Duque.
“Makikita pa lamang ang epekto ng enhanced community quarantine matapos ang susunod na dalawang linggo,” dagdag ni Duque.
Umabot na sa 707 ang kaso ng COVID-19, kung saan 45 ang nasawi at 28 naman ang nakarekober.
Nagdeklara si Duterte ng isang buwang lockdown sa buong Luzon simula Marso 16.