Marikina Covid-19 testing center di pinayagan ng DOH

HINDI  inaprubahan ng Department of Health ang aplikasyon ng Marikina City government na mag-operate ng testing center para sa coronavirus disease 2019.

Ayon kay Mayor Marcy Teodoro natanggap niya ang sulat mula sa tanggapan ng kalihim ng DoH Huwebes ng umaga at sinabi na hindi pumasa ang kanilang pasilidad sa pamantayan ng kagawaran.

“Ang sinasabi nila dapat daw kung meron kang testing facility o testing center ay merong nakahiwalay na gusali o building at ayaw nila payagan yung aming setup na kung saan yung aming testing center ay nasa sixth floor ng aming city health office. Yung buong palapag na yun ay wala ng ibang opisina at tanging yung testing center na lamang ang naroon. Merong dedicated na exclusive na elevator na papunta lamang dun hindi tumitigil sa ibang palapag, dun lang sa floor na iyon,” ani Teodoro.

Nagtataka lang umano si Teodoro dahil ang testing center ng Research Institute for Tropical Medicine ay mayroon namang kasamang ibang administrative offices ng ospital.

“….Kung sinasabi na hindi pwede sa aming city health office eh pupuwede namin itong ilagay o i-partner sa Amang Rodriguez Medical Center ito’y isang DoH level 3 hospital. Ibig sabihin complex ito may iba-ibang gusali na matatagpuan dito na maaaring mapaglagyan ng laboratoryong ito, ang sinabi rin nila na hindi pa rin maaari dahil kailangan pa daw nilang i-assess ang kapasidad nung nabanggit na ospital.”

Inalok na rin umano ni Teodoro sa DoH na sila na lamang ang mag-operate ng kanilang pasilidad subalit sinabi umano ng ahensya na kulang ang kanilang tauhan para magawa ito.

Umapela rin ang alkalde na tulungan sila upang ma-operate ang pasilidad.

Upang hindi masayang ang kanilang ginastos, sinabi ni Teodoro na pinag-aaralan kung maaaring i-donate na lamang ito sa DoH para mapakinabangan.

“Andami ho nating kababayan na hindi malaman kung sila’y positive o negative lalo na ho yung mga walang kakayanan na pumunta sa mga pribadong ospital o walang access sa testing center.”

Binili ng Marikina government ang polymerase chain reaction machine sa halagang P2.7 milyon. Bumili na rin sila ng mga imported na testing kits na milyon din ang halaga.

Read more...