Hugot ni Angelica: Pwede ka lumabas para ilakad ang aso pero jogging bawal sa Pasig?

ANGELICA PANGANIBAN

NAGING mainit ang pakikipagsagutan ni Angelica Panganiban sa ilang netizens tungkol sa ipinatutupad na enhanced community quarantine protocols sa Pasig City.

Taga-Pasig ang Kapamilya actress at tila may reklamo siya sa ilang patakaran sa kanilang lugar. Sa kanyang tweet pinuna ng dalaga ang pagbabawal sa kanilang village na mag-jogging.

Ayon kay Angelica, “Yung exercise tulad ng jogging, bawal sa village namin. Malinaw naman ang protocol.

 “Pero pwede ka lumabas para ilakad ang aso, bumili ng grocery. Pero yung pang pa healthy, bawal sa pasig? Patakaran po ba ito ng mayor natin?” dugtong ng aktres na ang tinutukoy ay si Pasig City Mayor Vico Sotto.

Alam naman ng lahat na naka-enhanced community quarantine ang buong Luzon kasabay ng pagpapatupad ng guidelines para makontrol ang  pagkalat ng COVID-19, kabilang na nga riyan ang home quarantine.

Karamihan sa mga nag-comment sa tweet ni Angelica ay nagsabing bahagi ng protocol ang pagbabawal sa paglabas ng mga residente at ang pinapayagan lang ay isang tao lang sa bawat pamilya para bumili ng pagkain at iba pang “essential needs.”

Payo naman ng ilan sa kanyang followers, mag-exercise na lang sa loob ng kanyang bahay dahil baka makadagdag lang siya sa problema. Sey naman ng isa pa, bitbitin na lang din niya ang kanyang aso kapag nag-grocery.

Reply naman sa kanila ni Angelica, “Wala akong aso. Essentials ang grocery. At pag bili ng gamot.

“Yung takbo para sa immune system yun, para tumibay ang katawan natin. Holding hands at magkayakap ba ang mga tao pag tumatakbo?” pahayag pa ni Angelica na ang tinutukoy ay ang ipinatutupad na social distancing.

Nilinaw din ng dalaga na nais lang niyang linawin na hindi siya nagagalit, “Hindi po mainit ulo ko. Baka pwedeng wag judgemental sa simpleng tanong (smiley).”

“Nagtatanong lang ako. Gusto kong malaman kung batas ba yun o pa uso lang. Hindi kasi ako nanonood ng balita dahil iyak lang ako ng iyak kapag nakikita ko nangyayari.

“In times like these kailangan natin ng positive mind para maiwasan ang depression,” paliwanag pa ng tinaguriang Hugot Queen.

Nag-tweet din ang aktres para pasalamatan si Mayor Vico, “Sa pasig parang nasa ibang bansa na kami dito. Salamat Mayor Vico! Sana ma inspire ang iba. May posisyon o wala.”

Read more...